Sa Dila ni Khabib, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Dila ni Khabib

Roberto T. Añonuevo

. . . . . … . .. “Kapag umusal ka ng maling salita sa ibang tao, maaari kang mapatay.”
. . . . . .  ..  . .Dewey Cooper

Umuulan ng mga salita, gaya ng mga bato at patalim,
At kung ikaw si Khabib, mauunawaan mo ang respeto
Sa loob ng oktagonong hawla ng búhay at kamatayan.

Doon, iiwan mo ang lahat at isusuot ang iyong tapang.
Wala kang maririnig bagkus bakbakan ng pahiwatig.
Masikip ang daigdig, at iisa lámang ang dapat manaig.

Nakahihimatay ang titig, ngunit nakapapatay ang wika.
Ang wika ay maaaring buldoser at trak na dumudurog
Sa mga tahanan, o palihim na pagdakip sa isang kaaway,

At kung ikaw ay nakatira sa kabundukan ng Dagestan,
Ang salitang bitawan mo ay kalashnikov na sumisigaw,
Dahil may pakpak ang salita na tumutudla sa mga agila.

Ang wikang imperyal ay kumukulimbat ng ginto’t salapi,
Gumagahasa sa mga babae, at sumusunog nang lubos
Sa mga bayan o masjid. Dapat bang ulitin mo pa iyan?

Ang wika ng espada at wika ng diyos ay nagkakaisa,
Na walang gitna sa mga taggutom at pakahulugan—
Alam mo iyan, lalo kung puputok ang digma sa málay.

Ngunit ang wika ay isa ring negosyo, at parang teatro
Ang likas na promosyon sa mga atleta kahit katumbas
Ng lahat ang paghimod sa tumbong ng awtoridad.

Kailangang ibalik sa tamang pedestal ang mga salita.
Kung hindi’y bakit pipigilin ang himagsik ng sikmura,
At ikukubli ang luha sa mukhang may dungis alimura?

Walang bibig ang dangal, ngunit batid nito ang kamao
At tadyak. Nakikilala ito sa sandali ng huramentado,
Matapos ang nakaiinip, nakababaliw na pagtitimpi.

Ang salita mo, sa malao’t madali, ang wawasak sa iyo.

mountain snow winter bird mountain range flight weather glide soar eagle season perching bird