Vaikundam
Roberto T. Añonuevo
Pumasok sa gubat ang mangangaso, at iniwan niya ang kaniyang pangalan sa gitnang bahagi ng lawas ng tapayan. Ang gubat, pakiwari niya, gaya ng tapayan ay sisidlan ng kalansay o asin o sagradong tulâ, ngunit malayang isiping libreng parmasya o kantina para sa maysakit. Kailangang maunawaan niya na hindi siya pumapaloob sa kamalayan para mamatay, bagkus magtamo ng búhay, sapagkat ang kamalayan bilang gubat ay tagpuan ng sukdulang pansin at diwa at higit sa limang pandama. Panandaliang himpilan ang tapayan sa pisikal na anyo, wika ng mangangaso, at pagkaraan, matututo siyang maglakbay na sakay ng eroplano o bangka, marahil patungo sa ibang planeta—na tawagin mang Meru sa isang panahon ay aangkinin ng mangangaso bilang kontinente ng mga lunggatî.