Ang Lansangan
Salin ng tulang “La calle,” ni Octavio Paz.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Mahabà at tahimik ang lansangan.
Binagtas ko ang karimlan, at natalisod at nadapà
at bumangon, at naglakad akong bulag, mga paa ko’y
tumatapak sa mga tahimik na bato at tuyong dahon.
May kung sinong nasa likuran ko ang nagpapakaluskos
din sa mga bato, dahon:
Kapag bumagal ako’y bumabagal din siya;
kapag tumakbo ako, takbo rin siya. Paglingon ko: walâ.
Ang lahat ay dilim at wala ni pinto.
Lumiko nang lumiko ako tuwing sasapit sa mga kanto
na patungo sa walang humpay na lansangang walang
kung sinong naghihintay, walang sumusunod sa akin,
at doon hinabol ko ang tao na nadapà
at bumangon at nagsabi sa akin nang makita ako: Walâ.