Babaeng Wasteka
Salin ng “Dama Huasteca” ni Octavio Paz.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Naglakád siyá sa pampáng ng ílog nang lastág, malusóg, bágong ligò, bágong sílang mulâ sa magdamág. Sa kaniyáng dibdíb ay kumikináng ang mga hiyás na hinablót sa tag-aráw. Nakátakíp sa kaniyáng arì ang lantáng palumpóng, ang palumpóng na bugháw na halos itím at sumúsuplíng sa bungangà ng bulkán. Sa kaniyang pusón ay nakabukád ang agíla, nakasumpíng ang magkaáway na bandilà, at náhihimbíng ang tubigán. Nagmulâ siyá sa malayò, maálinsángang báyan. Iilán lámang ang nakakíta sa kaniyá. Sasabíhin ko ang kaniyáng líhim: sa umága, siyá ay bató sa gílid ng daán; at sa gabí, isang ílog na dumadáloy sa tadyáng ng laláki.