Propaganda, ni Leonard Cohen

Propaganda

Salin ng tula ni Leonard Cohen
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang makatwirang pahayag ay nilikha
ni amá, ang ginoong dumudura
upang ilihim ang kaniyang sapatos.
Kaugnay ito sa kalikasan ng relihiyon
at sa progreso ng pagnanasa sa siglo
beínte. Ako rin ay may ilang pahayag
ng kompetitibong pagkamatwid na ibig
kong ipalaganap nang walang bayad.
Mahal ko ang sandaling eternal, halimbawa.
Malimit wikain ng aking ama, habang
tinatanggal niya ang mumunting medalya,
na may tamang panahon para sa lahat.
Isa siyang bukás-palad na ama, naisip ko,
kung huhusgahan ang kaniyang halagahan.
Ay, gayon nga, sasabihin niya, at ang buong
daigdig ay dapat sanang naging tahanan niya.

star, military, soldier, army, symbol, memory