Sa Baybaying Bayan
Salin ng tula ni C.P. Cavafy (Constantine Peter Cavafy)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Si Emes, ang binatang edad dalawampu’t walo, na sakay
Ng bangka, ay dumaong sa isang bayang malapit sa baybay,
At may mithing matuto ukol sa pangangalakal ng insenso.
Ngunit habang naglalayag siya, dinapuan siya ng trangkaso;
At makalipas makadaong ay namatay. Ang kaniyang libing,
Na kayhamak, ay naganap doon. Inusal niya nang mariin,
Bago yumao, ang “bahay” at “magulang” na matatanda.
Ngunit kung sino ang kaniyang tinutukoy ay walang tanda,
O kung saan naroroon ang bahay sa Pan-Helenikang daigdig.
Makabubuti na iyon. Dahil sa gayong pangyayaring matalik,
Habang siya’y bangkay na nakatanghal sa bayan sa baybay,
Patuloy na aasa ang kaniyang mga magulang na siya’y buháy.