Salin ng “H’uayah Yaab T’kaal Kin Eek” ni Ah Bahm, batay sa bersiyon ni John Curl
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Karimlan sa dulong buwan ng taon
Ito ang mga araw ng pag-iyak,
ang mga araw ng kasamaan.
Lumaya ang demonyo,
nabuksan ang impiyerno,
walang natirang kabutihan
bagkus kasamaan,
dalamhati, gulo, at hiyawan.
Lumipas ang buong taon,
ang taon na ibinibilang dito.
Dumating ang buwan
na walang ngalan ang mga araw,
Ang makikirot na araw,
Ang mga halimaw araw,
Ang maiitim na araw.
Ang maririkit, sumisinag na mata
ni Hunabku para sa kaniyang
makalupang mga anak
ay hindi pa sumasapit,
dahil ang mga pagkakasala
ng lahat ng tao sa sangkalupaan
ay ganap na titimbangin:
Lalaki at babae, bata at matanda,
mayaman at mahirap, paham
at mangmang;
Punong Ulupong, komisyoner,
gobernador, kapitan, babaylan,
mga konsehal, alguwasil.
Lahat ng pagkakasala ng tao
ay titimbangin sa mga araw na ito;
dahil darating ang panahon
na ang ganitong mga araw
ay magtatakda ng wakas ng daigdig.
Sanhi ng mga pangyayaring ito,
huhusgahan ang mga kasalanan
ng tao sa daigdig.
Sa dambuhalang sisidlang kristal
na likha sa luad ng mga anay,
titipunin ni Hunabku
ang mga luha mula sa lumasap
ng mga kasamaan sa daigdig.
At kapag napuno na ang sisidlan,
magwawakas na ang lahat.