Pahatid ni Idyanale
Roberto T. Añonuevo
Mga ugat na bumaón nang napakalalim sa lupa ang kaliwanagan. At ang kaliwanagan ay napagkakamalang putik, kumunoy, bato, o buhangin ng sinumang hangal. Ang lupa, anuman ang anyo nito, ay maghuhunos na mga ugat ng tubig: Mga lupang ugatan, mga ugat ng kabaitan.
Ugat ang lahat. Lahat ay ugat.
Hukayin ang kanluran ng Kaliwanagan. Hukayin ang silangan ng Kaliwanagan. Hukayin ang timog ng Kaliwanagan. Hukayin ang hilaga ng Kaliwanagan. Hanapin ang mga ugat, ang ugat ng Kaliwanagan.
Ngunit bago tangkaing tuklasin ang mga ugat, ikatuwa ang mga balaybay o duklay at ipagdiwang ang mga sanga at bulaklak. Suriin ang mga punongkahoy, palumpong, damo, halamang-ugat, at iba pa. At malaya mong mababatid na tila mga kidlat na naglalagos sa mga ulap ang mga ugat.
Nasa ugat ang liwanag. Nasa liwanag ang Kaliwanagan. Gayunman, ang liwanag ay nakabubulag sa sinumang nahirating tumitig sa makislap o makinang. Itinuring na ginto ang Araw, at laksa-laksa ang nabubulag sa kanilang pananampalataya. Sinamba ang pinilakang Buwan, at nahilam ang paningin ng mga mapamahiin. Tiningala ang mga galáng na bituin, at lalong lumabo ang mga mata ng sakim. Bakit tititig sa punong Saging ng Kalawakanan, samantalang higit ang liwanag ng mga kamay at binting nangagkaugat dahil sa paglilinang ng bundok o kapatagan?
Ang kislap, ang kinang ay matatagpuan sa tubig na tumitighaw sa uhaw ng mga ugat. Walang silbi ang tubig kung walang mga ugat. Ang tubig ay mananatiling tubig hangga’t hindi ito pumapaloob sa mga ugat. Ang hamog, ang singaw, o ang nagsabatong tubig ay magbabalik bilang tubig dahil may mga ugat din ang tubig at ang lahat ng tubigan. At ang tubig na sinipsip ng mga ugat ay nagwawakas sa pagiging tubig upang maisakatuparan nito ang dakilang mithing maging mga ugat.
Liwanag ang mga ugat, at ugat ng bawat liwanag.
At ang hangin na hinihigop o ibinubuga ng mga dahon ay nagiging dahon. Ang liwanag na hinihigop o ibinubuga ng mga dahon ay nagiging dahon. Ang mga ibon na nakikisilong sa mga dahon ay nagiging dahon. At ang mga dahon na sumusupling o dili kaya’y nalalagas sa mga sanga’t tangkay ay sasapit sa hanggahan upang wakasan ang pagkadahon at nang mapuri ang mga ugat.
Anuman ang kulay ng mga dahon ay may ugat. Lumilitaw o napipigtal ang mga dahon dahil sa tunggalian ng bagwis at ugat. Mamumukadkad ang bulaklak, aakit ng mga kulisap, ibon, at hayop dahil may pandama ito hinggil sa Ugat. Kakapál, lulusog, didilim ang kagubatan dahil sa di-mabilang na ugat na pawang lingid sa paningin ng kaligiran. Totoo, maraming ugat ngunit nananatiling iisa lamang ang lumulukob sa kalawakan ng mga buto’t himaymay. Matutong gumapang gaya ng ugat. Huwag kalimutang magparami ng ugat. Gumapang at sumisid pailalim sa walang hanggang dilim. At makipagtalik nang ubos-lakas sa Dakilang Ugat, upang kahit paano’y pumasok sa loob ang Kadakilaan ng Ugat ng Kawalan.