Patola, ni Roberto T. Añonuevo

Patola

Roberto T. Añonuevo

Kakainin ka nang múra, o tatanda para maging espongha.
Dahil alam ang batas ng mundo, lumulusog ka sa hardin
ng seguridad, at gumagapang na baging para sakmalin
ang bakod o poste o trelis na magbubunyag ng lakas.
Kinakatas sa iyong mga buto ang langis, at tanghalian
ng kambing o hito ang anumang tirang sapal o himaymay.
Pahahalagahan ka ng imperyo, at isasama sa paliligo.
Sabik ka sa suplay ng liwanag at sabik sa suplay ng tubig,
at waring ibig daigin kahit ang pinakamatigas na punò.
Makikilala ka sa mga palengke, at iisipin ang mga pulis—
mahabang tarugo na sapilitang pumapasok sa ibang puri,
o kung hindi’y pamalo ng berdugo na hepe ang pumupuri.