Ang Karahasan ng mga Oras, ni César Vallejo

Ang Karahasan ng mga Oras

Salin ng “La violencia de las horas,” ni César Vallejo
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

. . . . . . . .Yumao ang lahat.
. . . . . . . .Namatay si Ginang Antonia, na namaos, na naghurno ng mga murang tinapay sa nayon.
. . . . . . . .Namatay ang kurang si Padre Santiago, na ibig batiin ng mga kabataan, at binabatì ang kung sino-sino: Magandang umaga, José! Magandang umaga, Maria!
. . . . . . . .Namatay si Carlota, ang may bulawang buhok, at iniwan ang isang sanggol, na pagkaraan ay mamamatay din, walong araw pagkalipas mamatay ang ina.
. . . . . . . .Namatay ang aking Tiya Albina, na malimit awitin ang mga minanang tiyempo at modo, habang nananahi sa mga loob ng koredor, para kay Isidora, na pagiging katulong ang trabaho, at labis na kagalang-galang na tao.
. . . . . . . .Namatay ang matandang bulag ang isang mata, hindi ko matandaan ang kaniyang ngalan, ngunit natutulog siya kahit sa sinag ng umaga, at nakaupo sa sulok ng pintuan ng ohalatero.
. . . . . . . .Si Rayo ay namatay, ang asong kasintangkad ko, at binaril ng kung sinong tao.
. . . . . . . .Namatay si Lucas, ang aking bayaw, na namayapa ang mga baywang, at natatandaan ko tuwing umuulan, at walang sinuman ang may gayong karanasan.
. . . . . . . .Namatay si Nanay nang dahil sa aking rebolber, ang aking ate sa aking kamao, at ang aking kuya sa aking duguang lamanloob, ang tatlong binigkis ng kung anong pighati, sa buwan ng Agosto noong mga sumunod na taon.
. . . . . . . .Namatay ang musikong si Méndez, ang matangkad at lasenggo, na humihimig ng malungkuting tokata sa kaniyang klarinete, na ang pagpapalawig ay nakapagpapahimbing ng mga inahing manok ng aming kapitbahay, bago pa man sumapit ang takipsilim.
. . . . . . . .Namatay ang aking eternidad, at pinupukaw ko ito ngayon.

Stop illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping.