Magsasalita ako hinggil sa pag-asa, ni César Vallejo

Magsasalita ako hinggil sa pag-asa

Salin ng “Voy a hablar de la esperanza,” ni César Vallejo
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

. . . . . . . . . .Hindi ako nagdurusa sa hapding ito bilang César Vallejo. Hindi ako nasasaktan bilang artista, bilang tao, o bilang karaniwang nilalang. Hindi ako nagdurusa sa kirot na ito bilang Katoliko o Muslim o ateista. Sadyang may hapdi sa akin ngayon. Kahit hindi ako si César Vallejo, pagdurusahan ko pa rin ito. Hindi man ako artista’y pagdurusuhan ko pa rin ito. Hindi man ako tao o nilalang ay pagdurusahan ko pa rin ito. Hindi man ako Katoliko o Muslim o ateista, pagdurusuhan ko pa rin ito. Nararanasan ko ngayon ang sakít mula sa kailaliman. Ngayon ay sadyang tumatagos sa akin ang hapdi.

. . . . . . . . . .Nasasaktan ako ngayon nang walang paliwanag. Napakalalim ng aking sakít, na wala itong sanhi o hindi nawawalan ng sanhi sa sandaling ito. Ano ang ugat nito? Nasaan ang bagay na napakahalaga, na maaaring magwakas ang sanhi nito? Ang sanhi nito ay wala; at walang makapipigil sa magiging sanhi nito. Dahil bakit lumitaw ang hapding ito, nang dahil sa sarili? Ang hapdi ko’y nagmumula sa habagat, o amihan, gaya ng mga bugok na itlog na iniluluwal sa simoy ng ilang kakatwang ibon. Kung patay ang aking mapapangasawa, ang hapdi ay katumbas niyon. Kung laslasin nila ang aking leeg, ang kirot ay pareho lámang. Kung ang búhay, samakatwid, ay naiiba, ang sakít ay sadyang magkapareho. Ngayon ay nagdurusa ako nang higit na mataas. Ngayon ay sadyang nadarama ko ang sakít.

. . . . . . . . . .Sinisipat ko ang hapdi ng nagugutom na tao, at nabatid ko na ang kaniyang gutom ay higit sa aking pagdurusa, na kung ako’y mag-aayuno hanggang mamatay, kahit paano’y may susupling na dahon ng damo mula sa aking libingan. Katulad din sa gaya ng mangingibig! Nakabubúhay ang kaniyang dugo, na taliwas sa aking walang ugat at walang silbi!

. . . . . . . . . .Naniniwala ako na magpahangga ngayon, ang lahat ng bagay sa uniberso ay hindi makaiiwas na maging mga magulang o anak. Ngunit masdan ang aking hapdi ngayon na hindi magulang o anak. Wala itong likod upang kumulimlim, o wala itong sapat na dibdib para lumiwayway, at kung ilalagak sa madilim na silid, hindi ito makapagbibigay ng liwanag, at kung ilalagay naman sa maliwanag na silid, ni hindi ito makapagbibigay ng anino. Ngayon ay nagdurusa ako anuman ang mangyari. Sadyang tagos ngayon sa aking loob ang sakít.

Stop illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.