Kaibigan
Roberto T. Añonuevo
Dumarami sila, gaya sa bisperas ng pista, at magpapakilala, sakâ makíkipágsayá, habang ikaw ang bumabangkâ, ngunit biglang maglalahò kapag sumapit ka at tumindig o umupo sa gilid sa bangin. Hindi nila mauunawaan ang rikit ng panginorin, bagkus malululà sa panganib ng bato o alon na sasalo sa kanila sa kailaliman. Ikakatwiran nila ang kanilang seguridad, trabaho, pangalan, pamilya, at kung ano-ano pang bagay—iiwas sa iyong anyong sumasalungat sa agos na karaniwan—at hindi mo alam kung karapat-dapat sila sa taguring ibig. Ano ang kaibig-ibig sa kanila, at pagtalikod mo’y bumubukad ang kani-kanilang bibig upang magbunyag ng pangil, kamandag, o dilang lumalatay hanggang iyong anino? Mababait sila kung ikaw ay may silbi sa kanila, at iyan ang katotohanang ipagugunita ng iyong laptop o selfon. Masusubok sila sa alak o papel, at masusubok ang kanilang balak o koneksiyon, hanggang sa madamong lupaing kinatatayuan mo. Mabilis silang mapawi gaya ng usok mula sa kusina o sigâ, kapag dumarating ang maiitim na tsismis o balita. Ngunit ang totoo sa kanila’y hindi nang-iiwan, itaga mo sa bato, at hindi nangangambang maulingan ang mukha pagtabi sa iyo; o malangisan ang kamay, maghugas man siya ng kaserola’t pinggan, o kaya’y maghigpit ng lumuwag na tornilyo sa iyong pilipisan.

Stop illegal arrest. No to arbitrary detention.
Magandang araw. Saan po makakabili ng pinakabago niyong libro ang ‘Kontra Prosa’? Thanks.
LikeLike
I-klik mo ang MBMR Publishing sa gilid ng blog, at maaaring umorder sa Shopee Philippines. O maaari ding ideliver sa iyo, kung malapit ka lamang, at idaraan ko sa iyo.
LikeLike
Sinubukan ko pong buksan yung link niyo sa Shopee ngunit di ko mahanap ang libro. Naku taga-Cebu po ako pero nasa Manila ako sa susunod na linggo.
LikeLike
Sinubukan ko pong buksan yung link niyo sa Shopee ngunit di ko mahanap ang libro. Naku taga-Cebu po ako pero nasa Manila ako sa susunod na linggo.
LikeLike
Dumalaw po kayo sa Facebook ng MBMR Publishing, at mag-iwan ng mensahe, at ipadadala po sa inyo ang aklat.
LikeLike
Nag iwan po ako ng email. Tnx.
LikeLike
See you soon.
LikeLike