Terasa, ni Vittorio Sereni

Salin ng tulang “Terrazza,” ni Vittorio Sereni ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Terasa

Sinaklot bigla tayo ng magdamag.
. . . . . . . .  . . . . . . . . .  . .. . . .Hindi mo na batid
kung saan nagwawakas ang lawa;
Tanging ang mga laguklok
ang sumasalipadpad sa ating búhay
sa ilalim ng nakabiting terasa.

Lahat tayo’y pigil-hininga’t nakalambitin
sa píping pangyayari ngayong gabi
nang pasinagan ng barkong de-torpedong
sumiyasat sa atin, pagdaka’y naglaho palikô.

No to war. Yes to peace and social justice. No to illegal arrest.

Ang bawat entrada ng iyong katawan, ni Julián Malatesta

Salin ng “Cada entrada a tu cuerpo,” ni Julián Malatesta
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang bawat entrada sa iyong katawan

Ang bawat entrada sa iyong katawan
ay bagong paglalakbay sa kilalang teritoryo.

Sumasalubong sa akin ang tanawin ng sinaunang
kaugalian nang may maingat na seremonya.
Walang umaamin na bumabaha sa lansangan,
at sumabog ang lava sa piling ng mga amapola.

Wala ni babalâng senyales ng apoy . . .

Kailangan kong humangos tungo sa lagablab
at pabawahin ang apoy sa likod ng halimaw.

Biglang maririnig ang ritmikong hataw sa kasko’t
aalimbukay ang alikabok sa sibad ng mga kabayo.
Ang mga balát na kiniskis ng mga katutubo
ang pumukaw sa buong tribu.
Sakâ nagsipangaso kami nang nakahihingal.

Ngunit sa oras na magbalik kami, aking Mahal,
lalo kang nagiging malambing sa pagsisikap.
Sa mga kamay mo’t sa aking mga kamay,
marahan nating ipapasok ang hayop sa kulungan.

Make love, not war. No to illegal arrest. No to illegal detention.

Penomena, ni David Gascoyne

Salin ng “Phenomena,” ni David Gascoyne ng United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Penomena

. . . . . . . .Panahon iyon ng tag-init. May kung sinong ang damit ay nakalimot wari kung sino ang may suot nito at lumitaw sa akin sa dulo ng hinto ng usapan. Kaakit-akit siya at pinagbawalan ko siyang tumawid sa aking patungan ng paa. Wala ni babala, nagbago mulang bughaw hanggang lila, ang kalangitan ng gabi ay nagdusa sa di-mabilang na pag-ulan ng bulalakaw mula sa kabilang panig ng kortina, at ang mga portkulis ay bumabâ gaya ng mga pilik.
. . . . . . . .Umasim ang gatas sa pagtatangka nitong iwasan ang sentripugal na hatak ng batik sa balát nito. Lahat ay umuumbok sa rabaw. Ang pangwakas na pag-asa ko’y bawasan ang barometrikong diin kahit paano para makatakas nang buháy mula sa ilalim.
. . . . . . . .Sa dulo, natatandaan kong hindi niya mismo kailangang magpasiya, yamang ang kaniyang tadhana ay sapat na katwiran para sa balasik ng mga elemento. Inilipat ko ang pahina. Wala nang makalilito pa sa paraan kung paanong ang mga salita ay umahon sa mga pook na pinaglimbagan nito, lumutang-lutang sa hangin sa distansiyang tinatayang anim na pulgada mula sa aking mukha, at sa wakas, nang hindi binubulabog ang aking impresyon sa kanilang nakagawiang di-pagkatinag, at nalusaw sa lumalaganap na karimlan. Gaya ng nawika ko, panahon iyon ng tag-init, at ang kidlat ay halos maupos sa pagsisikap na maabot ang luningning. Bigla kong nalimutan kung ano ang ginagawa ko, at ang lupa sa ilalim ng aking talampakan ay lumambot sa puwersa ng gravedad ko, at nagsimulang dumausdos pababa, nang may tunog ng malayong pagsabog.

No to war. No to illegal arrest. No to illegal detention.

Salmo I, ni Georg Trakl

Salin ng “Psalm I,” ni Georg Trakl ng Austria.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Salmo I

Ikalawang Bersiyon

Para kay Karl Kraus

May liwanag na pinawi nang lubos ng hihip ng hangin.
May poso ng bayan na iniwan ng lasengggo noong hapon.
May ubasan, na sunog at itim, na sinapot ng mga gagamba.
May silid na pinaputi nila sa pamamagitan ng gatas.
Yumao ang siraulo. May pulô doon sa Timog Dagat
na tumatanggap sa Diyos ng Araw. Hinataw ang mga tambol.
Isinasayaw ng mga lalaki ang isinasadulang digma.
Kumekembot ang mga babaeng may palamuti ng mga dahon
at bulaklak, kapag umaawit ang dagat. O naglahong paraiso!

Iniwan ng mga diwata ang mga bulawang kahuyan.
Inilibing ang estranghero. Pumatak ang nangangatal na ulan.
Ang anak ni Pan ay lumitaw sa anyo ng manggagawa
na umiidlip kapag tanghali sa mainit na aspaltadong daan.
Ang mga dalaginding ay nakabihis sa lubos na karalitaan!
May mga silid na hitik sa mga kuwerdas at sonata.
May mga nagyayakap na anino sa malabong salamin.
Sa mga bintana ng ospital nagpapainit ang mga pasyente.
Hatid ng puting bapor ang nakahahawang duguang sakit.

Lumitaw ang kakatwang kapatid sa masamang bangungot
ng ibang tao. Nilarô ng kaniyang kapatid ang mga bituin
sa sukal ng mga abelyana. Ang estudyante, na tila kapares,
ay tinitigan siya mula sa bintana.
Sa likod niya’y nakatayô ang kaniyang patay na kapatid,
o di kaya’y naglalakad sa paikot-ikot na hagdan.
Sa lilim ng kayumangging kantanyas namumutla ang nobisyo.
Tumakipsilim sa hardin. Kumampay ang mga paniki sa klawstro.

Huminto maglaro ang mga bata ng mayordomo’t naghanap
ng mga ginto sa kalangitan.
Pangwakas na kuwerdas ng kuwarteto. Tumakbo ang bulag
na batang babae na nangangatog sa kahabaan ng abenida,
at pagdaka’y nangapâ ang anino niya sa malalamig na pader,
na pinalilibutan ng mga kuwentong-ada at sagradong alamat.

May hungkag na bangka na tuwing gabi’y tinatangay ng alon
sa maitim na estero.
Sa malamlam na sinaunang asilo, naaagnas ang mga bangkay.
Ang mga patay na ulila ay nakahiga sa gilid ng pader ng hardin.
Lumabas sa abuhing silid ang mga anghel na putikan ang bagwis.
Sumungaw sa kanilang nanganinilaw na pilik ang mga uod.
Madilim at pípi ang plasa sa harap ng simbahan, gaya noong dati.
Sa pinilakang talampakan nagpadulas ang dating mga búhay,
at ang lilim ng kondenado ay lumusong sa humihikbing tubigan.
Pinaglaruan ng salamangkero sa kaniyang hukay ang mga ahas.

Sa rabaw ng talaksan ng mga bungô, umalimbukad ang gintong
paningin ng Maykapal.

Dictatorship is no joke. Respect human rights. No to illegal arrest. Stop illegal detention.

Sa Pantalan ng Santa Lucía, ni Julián Malatesta

Salin ng “En el Puerto de Santa Lucía,” ni Julián Malatesta ng Colombia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Sa Pantalan ng Santa Lucía

Baliw ang barkong ito.
Kahapon, nakita namin ito patungong timog
Pagdaka’y nasilayang naglalayag sa búrol ng araw
At nililikom ang magdamag sa kilya nito.
Ngayon naman ay pahapay-hapay sa daungan.

Baliw ang barkong ito.

Hatid nito ang isang bangkay na isinakay,
Ngunit ayaw ng kapitang itapon iyon sa dagat.
Lumaklak ng bote ng alak ang nasabing lalaki,
At pinasok ng pagkaburyong ang utak.
Ang patay na lalaki’y nagsayaw sa kubyerta,
Niliglig ang gunita ng barko’t nilito ang kompas.

Baliw ang barkong ito.

Sa pantalan ng Santa Lucía—ang patron ng bulag—
Ang mga tripulante’y lumalaboy at walang magawa,
Dahil kahit batikan na sila’t mahusay kumayod
Ay walang kumukuha sa kanila para magtrabaho.
Hindi sila mapatawad ng mga kompanya ng barko,
Nang iwan nang mag-isa ang sasakyang-dagat.

No to illegal arrest. No to illegal detention. Respect human rights.

Mga Rosas ng Saadi, ni Marceline Desbordes-Valmore

Salin ng “Les Roses de Saadi,” ni Marceline Desbordes-Valmore
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Rosas ng Saadi

Ibig kong hatdán ka ng bulaklák ngayóng umága
Ngúnit marámi nang sulsí itóng damít na suót
At lábis ang higpit ng mga sinúlid, na muling

nalagót. Sumábog sa dágat ang mga bulaklák
na áking tinípon, binughán ng hángin palayô,
úpang hindî, hindî na mulîng magbalík sa ákin.

Pumulá ang álon, simpulá ng dugông sumírit.
Kaybangó ng áking damít ngayóng gabí, kaybangó
sa áking gunitâ, gáya ng hiningáng sariwà.

Respect human rights. No to illegal arrest. Stop illegal detention.

Walang Katumbas na Kasinupan, ni Jules Laforgue

Walang Katumbas na Kasinupan

Salin ng “Riguers a nulle autre pareilles,” ni Jules Laforgue.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

May multong fosil
Sa isang album,

Heranyong pitas
Doon sa baybay.

Isang trubador
Na poging garing

Lait ang saysay
Nitong bulaklak.

“Masaya ako
Sa mga dung-aw!”

Di ito iyo,
O, aking dilag!

No to farcical arrest. No to kidnapping. Stop illegal detention.

Wika ni Idyanale, ni Roberto T. Añonuevo

Wika ni Idyanale

Roberto T. Añonuevo

Para kay Ann Sherina

Ang pangalan sa aking dibdib ang pangalan na iyong inibig. Nasa loob ng pangalan ang kagubatang taglay ang sari-saring hayop, ibon, kulisap at iba pang nilalang. Ang kagubatang ito ay kisapmatang nagiging bonsai kung iibigin mo, halimbawa kung nayayamot sa makukulit na lamok o alitaptap. Ang bonsai ay patutubuin mo sa iyong palad, at magkakabagwis sakâ iibis paimbulog, at habang lumalaon, maaaring malimot mo ang mga punongkahoy, palumpong, damo, at kung ano-ano pang halaman, gaya sa matatandang kuwento, kapag nalilibang pagtingala sa himpapawid. Ngunit magbabalik sa lupa ang pangalan, at magdiriwang ang buong santinakpan. Maririnig ng lupa ang salita, at kung magkaroon man ng samot na balita, ang balitang ito ay pangalan na iniibig ka at nagkataong iniibig mo rin — at umiindak, umaawit, tumutula kahit pa nasa loob ng pinakamalupit, pinakamabangis na bilibid o yungib.

Stop illegal arrest. No to kidnapping. No to illegal detention.

Habang naghihintay, ni Idyanale M. Añonuevo

Habang Naghihintay

Idyanale M. Añonuevo

Habang naghihintay ng pagsapit ng umaga
ay nariyan ang iyong kasama na nagpapaalalang
ipinid, kalimutan na ang iyong nakaraan.

Habang naghihintay ng pagsapit ng umaga,
sisikat din ang araw, sabi ng selda, nang magbigay
lakas, sigla, at ginhawa sa iyo sa kasalukuyan.

Habang naghihintay ng pagsapit ng umaga,
ang poot at hinanakit ay nagiging hamog at aral
at ang bilangguan ay maluwag na paaralan.

At habang naghihintay ng pagsapit ng umaga,
ako’y nakatulog. Enero na pala, isang taon
ang nakalipas nang ako’y biglang magising.  .  .  .

13 Enero 2019

No to illegal arrest. No to kidnapping. No to illegal detention.