Salin ng mga tula ni Sagawa Chika ng Japan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Larawan ko
Nagulantang ang mga taganayon nang kumuliling ang telepono.
Ibig bang sabihin nito’y kailangan nating lumipat ng bahay?
Nataranta ang alkalde at hinubad ang kaniyang asul na diyaket.
Oo, totoo ang nasasaad sa listahan ng pangangailangan ni Ina.
Paalam, asul na nayon! Humahabol sa inyo ang tag-araw
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . gaya ng ilog.
Ang tandang na may pulang sombrero’y bumabâ sa walang
katao-taong estasyon.
Kalawanging patalim
Inakyat ng asul na takipsilim ang bintana.
Nagpatayon-tayon ang lampara, gaya ng leeg ng babae.
Naglagos sa silid ang makutim na simoy; inilatag ang kumot.
Ang mga aklat, tinta, at kalawanging patalim ay unti-unting
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ninanakaw ang buhay mula sa akin.
Habang ang lahat ay nakaismid,
ang magdamag ay ano’t napasakamay ko na.
Kabayong bughaw
. . . . . . . . Sumapit ang kabayong winawasak ang bundok at nauulol. Mula sa araw na iyon ay lumamon lámang siya ng bughaw na pagkain. Tinina ng tag-araw sa bughaw ang mga mata at manggas ng mga babae, pagdaka’y malugod na nagpaikot-ikot sa plasa.
. . . . . . . .Ang mga suki sa terasa ay humitit ng napakaraming sigarilyo, na nagbunga para isilang ang mumunting bilog na kahig-manok sa mga buhok ng dalaga.
. . . . . . . .Dapat itapon gaya ng panyo ang malulungkot na gunita. Kung maiwawaksi ko lámang sa isip ang pag-ibig at ang panghihinayang, at ang makikintab na sapatos!
. . . . . . . .Iniligtas ako sa paglundag mula sa ikalawang palapag.
. . . . . . . .Bumangon ang dagat tungo sa kalangitan.

Yes to human rights. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to bogus operation.