Salin ng mga tula ni Dennis Brutus ng South Africa
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Pagtanda
Umiikli’t nalulumà rin kahit ang lansangan.
Magiging kakaunti ang isa kung susubukin:
Iyan ang isinasaad ng pagtanda—
Kung paglalaanan ng pagbubulay:
Sa pangkalahatan, kontento ang isang tao
Na ipako ang paningin sa daan
Kontento na makita ang maaaring makita
Ni hindi nababahala na ipagpalagay
Ang ukol sa posibleng maging lansangan—
Ang umiikli, nalulumang lansangan
Awit ni Akhenaton
Liwanag na luningning sa mga punongkahoy
liwanag sa takipsilim sa mga buról
liwanag na ginintuang kumikinang
pulang Rhodesian-Zimbabwe
abuhing pink sa disyertong basura ng Africa
liwanag sa mga hangong salmo sa pagsamba
mga salmo na lumilipad sa pasasalamat
ang tinatanggap na liwanag sa pagpapahalaga.
liwanag, ang bukál ng pag-iral
liwanag na lagablab sa lahat ng dako’t eternal
liwanag na lagablab na paulit-ulit sa lahat.
liwanag na sentro ng mga bagay
liwanag na pinagmulan ng mga bagay
liwanag na nakaaabot sa malalayong kosmos
liwanag na kung wala’y wala rin ang lahat.
liwanag na butil ng ating pag-iral
liwanag na nagpapások, naggigigiit, nagtatatag
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ng pag-iral
liwanag na nagpapakahulugan ng dibinidad
liwanag na nagbibigkis sa atin sa dibinidad

Yes to human rights. Yes to humanity. No to illegal arrest. No to illegal detention.