salin ng “Cockfight,” ni Hieu Minh Nguyen
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Sábong
Nakatagpo ko minsan ang aking kuya
sa isang munting nayon sa Vietnam
at nang magkita kami
ay sinunggaban ang aking munting bisig
at kinaladkad ako doon sa kahuyan
sa likod ng kaniyang bahay
na ang pangkat ng mga lalaki
na may itsura ng aming tatay
ay nangakapaikot sa tupada, sumisigaw
habang ang dalawang tandang
na ang mga tuka’y may bagsik ng kawil
na nakateyp doon, ay tinuka
at pinupog ang bawat isa hanggang
mawakwak ang lamanloob,
sakâ palitan ng dalawang malilinis
na manok, na ang isa’y sa kapatid ko.
Ang isa pang manok na pag-aari ng mamà,
na ibinulong sa akin, ay bingi
ngunit mabagsik. Binanggit niya sa akin
na tumatawag nang long distans mula Amerika,
kada linggo, ang aming tatay sa kaniya.
Hindi ko lubos maisip kung paano nila
nakikilala ang mga tandang sa isa’t isa
yamang nabahiran ng dugo ang mga pakpak
na sintingkad ng borgonya.
Sinabi ko sa kaniya kung paanong si tatay,
na naninirahan nang tatlong milya ang layo sa amin,
ay umiiwas ng tingin kapag nasa mga palengke.
Alam kong ito ang nagpapasaya sa kaniya.
Gayunman, hindi siya nakihiyaw,
nang maghiyawan ang madla, nang bumagsak
ang isang tandang sa lupa nang laslas ang leeg.
Alam kong siya ang nanalo
dahil sa paraan niya ng pagkukubli ng ngiti,
kung paano niya kinubra ang panalo
sa mabalasik na kamay ng isang sabungero.
Natutuhan ko kung paano maging kapatid
sa panonood ng mga tandang
at kung paanong sa umpisa’y panatag
ang simoy, hanggang ipakilala sila sa isa’t isa
at batid na nila ang magaganap:
Isa lámang ang dapat na manaig, at matitirá.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs.