Album ng Pamilya, ni Najwan Darwish

Salin ng tulang tuluyan mula sa wikang Arabe ni Najwan Darwish.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Kareem James Abu-Zeid.

Album ng Pamilya

Pinigil niya ako nang magkita kami sa piging at winika, “Mabuti pang bitayin ako kasama si Omar al-Mukhtar kaysa makihalubilo sa mga espiya na nagsasalita sa ngalan namin.

Pinigil niya ako at nagtanong sa pangalan ng kapitbahay kong tindero noong ako’y bata pa. Pagkaraan ay binunot niya ang isang munting album mula sa bulsa ng kaniyang abrigo at ipinakita ang mga larawan ng mga batang takot na takot, saka sinabing iyon ay pag-aari ko lahat.

Winika niyang nagbalik dapat ako ilang taon na ang nakalilipas, at ang aking kabiyak (na tinawag niyang anak) ay matapang na pinalaki ang mga bata noong ako’y nawawala.

(Sinabi rin niyang siya ang kapitbahay na tindero, at isa sa mga takot na takot na bata ang humahaliling magtinda habang nagsisiyesta siya.)

Hiyang-hiya akong itanong sa kaniya ang mga pangalan ng aking mga anak. Hiyang-hiya din akong itanong ang pangalan ng kanilang ina. Kumilos lamang ako na parang umalis ng bahay nang umagang iyon.

Bumuntong-hininga siya at tumitig sa malayo, gaya ng aktor sa dulang pantelebisyon, at sinabi sa akin na huwag ibunyag sa sinuman kung anuman ang naganap habang magkapiling kami, o kaya’y na siya ang pasimuno ng piging na ito—pinili niyang gumanap sa papel ng isang kapitbahay na tindero.

“Pipiliin kong mabitay kasáma si Omar al-Mukhtar kaysa manatili rito,” sambit niya nang sumusungaw ang mga luha sa kaniyang paningin. Bigla siyang humangos palabas ng pinto at iniwan ako sa piging.

Habang nag-iisa, binuklat ko ang kaniyang album, at tinitigan ang mga mukha ng aking mga anak.

Stop weaponizing the law. Stop weaponizing history. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights, specially of the poor and powerless! Where are you, o my people?

Ang Arboleda, ni Octavio Paz

Ang Arboleda

Salin ng “La Arboleda” ni Octavio Paz ng Mexico.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Dambuhala at solido
…………….. . . . . . . . ……..ngunit umuugoy,
ginugulpi ng hangin
……………. . . . . . .  ……….ngunit nakakadena,
humihikbi ng milyong dahon
na humahampas sa aking bintana.
 . . . . . . . . . . Aklasan ng mga punongkahoy,
sulak ng malamlam, berdeng tunog.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. Ang arboleda,
na biglang nanahimik,
. . . . . . . . . . . ay sapot ng mga pakô at sanga.
Ngunit may maaalab na párang,
. . . . . . . . . . . . . . . . .at ang mahulog sa lambat
nito—balisa,
. . . . . . . . . . . . . . .  .humihingal—
ay marahas at marikit,
isang hayop na maliksi’t mabangis,
ang lawas ng liwanag sa mga dahon:
 . .  . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ang araw.

Sa kaliwa, sa tuktok ng pader,
. . . . . . . . .. .matimbang ang diwa kaysa kulay,
tila langit at hitik sa mga ulap,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . tisang asul na sanaw,
pinaliligiran ng tipak, gumuguhong bato,
. . . . . . . . . . . . . . . dumadausdos ang buhangin
sa embudo ng arboleda.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .Sa gitnang rehiyon,
ang malalapot na patak ng tinta
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ay bumatik
sa papel na pinasisiklab ng kanluran;
itim halos ang naroroon,
. . . . . . . . . . . . . . . . .  .sa dulong timog-silangan,
na ang panginorin ay humahagulgol.
Ang lilim ay naging tanso,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . sakâ kuminang.
. . . . . . . . . . . . . . . Tatlong uwak
ang naglagos sa lagablab at lumitaw muli,
. . . . . . . .  .wala ni sugat,
sa hungkag na sona: hindi sinag o lilim.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .Ang mga ulap
ay unti-unting nalulusaw.

Sinindihan ang mga ilaw sa bahay.
Natipon sa bintana ang himpapawid.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .Ang patyo,
na ikinulong sa apat na dingding,
. . . . .. . . . . . . .  . . . . ..ay naging liblib na liblib.
Ito ang kaganapan ng realidad nito.
. . . . . . . . . . . . . . . .At ngayon, ang basurahan,
ang pasông wala ni halaman,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .sa bulag na semento
ay walang ibang taglay kundi anino.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Pumipinid ang espasyo
nang kusa.
. . .Marahang naninindak ang mga pangalan.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs! Stand up against the climate of fear.

Ang mga Ikon, ni James K. Baxter

Salin ng “The Ikons,” ni James K. Baxter ng New Zealand
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang mga Ikon

Matigas, mabigat, mabagal, madilim
O yaon ang nabatid ko, ang mga kamay ni Te Whaea

Na tinuturuan akong yumao. Sasapit pagkaraan ang gaan
Kapag ang puso’y nilusaw ang di-makatarungang pag-asa

Para sa natatanging trato. Ngayon, bitbit ko ang balde
Sa binakurang bukirin ng mga musmos na damo,

Na maselan gaya ng malalapad na dahon ng pakô,
at naghahanap ng mga kabute. Sandosena ang nakita ko,

mumunti ang karamihan at kinain ng mga uod ang iba,
Ngunit isasahog ko pa rin sa sopas. Napakatagal na

Mula nang bumagsak ang mga dakilang ikon,
Diyos, Maria, bahay, sex, panulaan,

Alinman ang ginagamit ng ibang tao bilang tulay,
Para tawirin ang ilog na iisa ang pampang,

Kahit ang ngalan mo’y paraan ng pagsasabing—
‘Ang puwang sa loob ng abrigo’— ang dilim na tinawag

Kong diyos, ang dilim na tinatawag kong Te Whaea,
Paanong isasalin ang bughaw, payapang langit ng gabi

Na nilalagusan ng eroplano, gaya ng putakti o baldeng
Tangan, tungo sa kung saan? Naghanap ako ng kabute

Sa mga parang, at bumigwas ang kamao ng pananabik
Sa aking puso, hanggang walang maaninag sa dilim.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Uphold human rights at all costs! The train of change is coming.

Pagkaraan ng mga Alpabeto, ni W. S. Merwin

Salin ng “After the Alphabets,” ni W.S. Merwin
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagkaraan ng mga Alpabeto

Sinisikap kong destrungkahin ang wika ng mga insekto
sila ang mga dila ng hinaharap
ang kanilang bokabularyo’y naglalarawan ng mga gusali
bilang pagkain
makapagtuturo sila ng itim na sanaw at mga ugat ng punò,
makapagsasaad sila ng anumang hindi nila alam
at ng alam nila kahit nasa malayo
at ng hindi batid ninuman
may mga termino sila sa pagkatha ng musika
sa pamamagitan ng mga binti
makapagsasalaysay sila ng pagbabanyuhay sa pagtulog
gaya ng kamatayan
makaaawit sila sa pagkampay ng mga pakpak
ang mga tagapagsalita ang kahulugan nito sa gramatikang
walang mga panganorin
ganap silang matatas at mahusay magpaliwanag
hindi sila mahalaga sila ang lahat-lahat

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Uphold human rights at all costs!

Paglisan, ni Maria do Carmo Abecassis

Salin ng “Parti,” ni Maria do Carmo Abecassis ng Mozambique
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paglisan

Maria do Carmo Abecassis

Nakasakay sa tren na tinaguriang lunggatȋ
ang kabulgaran ng panahon nang napakatagal.
Ginugol ko ang madilim na realidad ng búhay
para makabili ng tiket na may biyaheng paalis
at nang makamit ang pangarap
(at nagbayad pa sa tagadala ng kargamento).
Inilibre niya ako dahil sa kaniyang pasaporte.
Nang umalis ako’y natagpuan ko ang sarili
sa tabi ng bintana at mag-isang nagbubulay:
Inihahatid ako ng tren sa aking libingan
at nagwawagayway ako ng panyo
at nilalagpasan ang bawat bulgar na tao
na nakikita kong higit na piniling manatili
sa panahong napakakaraniwan
mula nang araw nang ako’y lumisan.
Kung sakali’t ako man ay mapalugmok
sa kung saang banyagang pook
upang pagdaka’y uminom ng pag-asa
upang kalimutan itong pakikibaka,
(umiinom ako sa kawnter nang nakatayo)
lagi akong nagbabayad sa alinmang inumin
nang may taglay na panghihinayang
at nakamamatay na pagkapagod
ng mga kumakayod na karaniwang tao
na nagtitimpla ng barakong kape sa tasa.
Tuwing binabago ko ang tanawin sa labas
(ang pagmulat ng liwayway o pagsilang ng talà)
nakakaligtaan ko at ni hindi napapansin
ang bawat mukhang nagdaraan
nang wala akong kamalay-malay
dahil sa pagkauhaw na malagok lahat
ang pag-asa, alak, at araw na lilimutin
sa kung saang bahagi
na hihinto ang biyahe ng tren.
At ang pakikibaka ay pipintig muli
ng medyokridad
mula sa pook na aking iniwan.
Malimit kong nakikita ang sarili
sa tren na tinatawag na pag-asa,
kumakaway nang may paggunita
sa bawat bulgar na tao
na aking nakikitang nakahiga sa tabi
ng bintana,
at bantulot na nagmamasid
sa bawat tren na lumalampas.  .  .  .

Train of change is coming. Stop illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs!

Ang mga Tuta, ni Roberto T. Añonuevo

Ang mga Tuta

Roberto T. Añonuevo

Walong tuta ang nananaginip ng mga utong,
ito ang haka mo, at ang gatas ay napakalayong
pantalan na dapat tawirin — sa kisapmata.

Umihip ang simoy, at mula sa alimbukay
ng alikabok ay tumatakbong naghahanap
ang isang aso,
na sa iyong tanaw ay naging tao,
at ito ang paraiso sa mga supling ng lupa,
o kung hindi’y bunganga ng impiyerno.

Umiiyak ang mga tuta, at umiiyak
ang lupa na yumayanig wari dahil sa awa.
Mga bulag silang nilalang na gumagapang.

Tumalikod ka ngunit naririnig mo ang tahol
ng paghangos at pagkalinga.
Ang tahol ay paos, at tumatagos sa balát.
Maya-maya’y umalulong ang karo ng dyip.
Lumakad ang nagdadalamhating mga gulong,
at sa bodega ng iyong gastadong guniguni
ay pumaloob ang mga nagugutom na hayop.

Kinusot mo ang iyong paningin.
At nang buksan mo ang kalooban sa tagpo,
ang mga tuta’y iba-iba ang kulay sa malay.

Parang tao, wika mo, na alipin ng burukrata
o pangulo, at naghahanap ng pangako ng gatas
at pulut upang makaraos sa gutom at pangamba.
Ngunit ang gayong kuro-kuro ay kalabisan
sapagkat walang pakialam ang mga hayop
sa pagtitindig ng burukrasya at politika,
at hinding-hindi sasawsaw sa agawan ng poder.

Kinusot mo muli ang iyong paningin.
Gumapang ang walong tuta sa walong daan
tungo sa sariling kaligtasan, at higit kang nalito.

Ang walong tuta, sa pakiwari mo, ay kapatid
mong iniwan sa kangkungan isang gabi,
habang gutom na gutom ang kalan,
at kumikislap ang patalim sa paminggalan.
Nauulinig mo ang sumisiyap-siyap na motor.
Naghahalakhakan ang mga lasenggo,
at ang hapag ay nabuburyong sa liwanag
mula sa mga berso ng makatang San Miguel.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping. Uphold the human rights of all Filipinos, specially the poor and powerless!

Dito sa Tagsibol na Ito, ni Dylan Thomas

Salin ng “Here in this Spring,” ni Dylan Thomas
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Dito sa Tagsibol na Ito

Dylan Thomas

Dito sa tagsibol na ito, lumulutang ang mga talà sa kawalan;
Dito sa ornamental na taglamig na ito
Ay bumubuhos ang lastag na panahon;
Inililibing ng tag-araw na ito ang ibon ng tagsibol.

Napipilì ang mga simbolo mula sa mga taon
Ng mabagal na inog ng mga baybay ng apat na panahon,
Sa taglagas ay nagtuturo ng tatluhang siklab ng apoy
At mga nota ng apat na ibon.

Nababatid ko ang tag-araw mula sa mga punongkahoy,
At inilalahad ng mga bulate, kung maaari, ang sasapit
Na mga bagyo ng taglamig, o ang paglilibing ng araw;
Dapat natutuhan ko ang tagsibol mula sa mga huni,
At mapiga ang mga aral ng linta ukol sa pagkawasak.

Higit na mahusay sa relo ang uod sa pagtukoy ng tag-araw,
At ang linta’y pumipintig na kalendaryo ng mga araw;
Ano ang pahiwatig sa akin ng eternal na kulisap
Kung sabihin nitong marahang naaagnas ang daigdig?

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold the human rights of all Filipinos, specially the poor and powerless!

Ang Saglit, ni Jorge Luis Borges

Salin ng “El Instante,” ni Jorge Luis Borges
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Saglit

Saan patúngo ang mga siglo, na ang pangarap
ng mga espada ang pinangarap ng mga Tartar,
na pinaglatagan ng mga moog na matitibay
na may punongkahoy ni Adan at ibang tuód?

Nag-iisa ang kasalukuyan. Ang gunita’y
nagtitindig ng panghalili sa panahon at linlang.
Ito ang karaniwang gawa ng oras. Ang taon
ay hindi nalalayô sa banidosong kasaysayan.

Sa pagitan ng madaling-araw at gabi’y bangin
ng mga hinagpis, ng mga liwanag, ng kalinga;
ang mukhang tumititig sa mga pagod na mukha

na sumasalamin sa gabi ay hindi magkapareho.
Ang panandaliang ngayon ay marupok at eternal;
hindi makahihintay ang ibang Langit o Impiyerno.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping. Uphold the human rights of all Filipinos, specially the poor and powerless!

Lakad, ni Roberto T. Añonuevo

Lákad

Tula ni Roberto T. Añonuevo

Kapana-panabik ang paglalakbay
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  . .kung hindi natin alam ang patutunguhan.
Hindi ba nakababató kung sakali’t nakahuhula tayo
sa resulta ng ating paghahanap?
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Parang nanood tayo nang paulit-ulit
sa pelikulang ibig nating iyakán o ibig nitong tayo’y pagtawanan.

Kaya sumáma ako sa iyo.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .At waring ikaw ay nabaliw.

Hindi ka natatakot maligaw,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .lalo’t nakasakay ka sa aking katawan.

Magsuot man ako ng maskara,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . nakikilala mo ako
sa salát. . . . . . . . . . . . . . .  at tunog . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . at simoy.

Kaysarap maligaw, kung ikaw ang aking kapalaran.

Ikaw ang nagpaunawa sa akin
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng pakikipagsapalaran,
kahit nasa loob ng banyagang silid o napakalupit na bilibid.

Itatanggi mong isa kang makata,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ngunit hinahaplos mo ako sa hiwaga:
kung ako ang alak, tutunggain mo ako
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .nang maglaho ang aking pagkaalak
at maging ako ikaw. At malalasing ka,
at lilipad, hanggang malimot mo ang sarili at maging espiritung
nakalalasing,
 . . . . . . . . . . . . . . . . na gaya ko.

Para kang paslit na walang pakialam
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . marumihan man ang damit,
makita lang ang langit.

Napápatáwa ka na lámang, kapag sumadsad
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . ang ating barko sa kung saang baybay.

Bakit kokontrolin ang daigdig?
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Para sabihing nasa ating palad ang tadhana?

Isang butil tayo sa walang katiyakang kalawakan,
wika ng iyong larawan, at maaaring lumalampas sa hanggahan
ng tama at mali,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . sa kulay at pananalig,
. . . . . . . . . . . . . . . . .. . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .sa wika at saklaw.
O iyan ay guniguni lámang o kaya’y narinig o nabása
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . .sa kung saang pantalan.

Sapagkat ako’y iyong iniibig
at iniibig ko’y ikaw—na totoong higit sa katwiran
kung bakit hangga ngayon
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ay kapiling ka
sa paglalakbay
. . . . . . . . . . . . . . . . .na waring palaisipan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at nagkataong walang katapusan. . . .

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Uphold human rights of all Filipinos, specially the poor and powerless.