Salin ng “Parti,” ni Maria do Carmo Abecassis ng Mozambique
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Paglisan
Maria do Carmo Abecassis
Nakasakay sa tren na tinaguriang lunggatȋ
ang kabulgaran ng panahon nang napakatagal.
Ginugol ko ang madilim na realidad ng búhay
para makabili ng tiket na may biyaheng paalis
at nang makamit ang pangarap
(at nagbayad pa sa tagadala ng kargamento).
Inilibre niya ako dahil sa kaniyang pasaporte.
Nang umalis ako’y natagpuan ko ang sarili
sa tabi ng bintana at mag-isang nagbubulay:
Inihahatid ako ng tren sa aking libingan
at nagwawagayway ako ng panyo
at nilalagpasan ang bawat bulgar na tao
na nakikita kong higit na piniling manatili
sa panahong napakakaraniwan
mula nang araw nang ako’y lumisan.
Kung sakali’t ako man ay mapalugmok
sa kung saang banyagang pook
upang pagdaka’y uminom ng pag-asa
upang kalimutan itong pakikibaka,
(umiinom ako sa kawnter nang nakatayo)
lagi akong nagbabayad sa alinmang inumin
nang may taglay na panghihinayang
at nakamamatay na pagkapagod
ng mga kumakayod na karaniwang tao
na nagtitimpla ng barakong kape sa tasa.
Tuwing binabago ko ang tanawin sa labas
(ang pagmulat ng liwayway o pagsilang ng talà)
nakakaligtaan ko at ni hindi napapansin
ang bawat mukhang nagdaraan
nang wala akong kamalay-malay
dahil sa pagkauhaw na malagok lahat
ang pag-asa, alak, at araw na lilimutin
sa kung saang bahagi
na hihinto ang biyahe ng tren.
At ang pakikibaka ay pipintig muli
ng medyokridad
mula sa pook na aking iniwan.
Malimit kong nakikita ang sarili
sa tren na tinatawag na pag-asa,
kumakaway nang may paggunita
sa bawat bulgar na tao
na aking nakikitang nakahiga sa tabi
ng bintana,
at bantulot na nagmamasid
sa bawat tren na lumalampas. . . .

Train of change is coming. Stop illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs!