War Docs
Tumanyag ang salitang war docs hindi dahil may Ikatlong Digmaang Pandaigdig, at kinasasangkutan ng China, US, at Filipinas, bagkus sa masigasig na pakikibaka ng presidente na linisin ang bansa mula sa pagkakalulong sa nakababaliw na droga. Tumutukoy ang “war docs” sa tinipil na “war documents” o “drug war documents” mula sa gobyerno na hiniling ng ilang batikang abogado ng FLAG (Free Legal Assistance Group) upang pag-aralan ang mga kasong isinampa sa mga akusadong mamamayang nasangkot sa direkta o di-direktang paraan ng kampanya ng gobyerno upang sugpuin ang paglaganap ng droga sa Filipinas.
Ang mga dokumento ay mga testamento ng karahasan, kung tatanawin sa pananaw ng ilang kritiko; samantalang patunay din ito sa tagumpay ng gobyerno laban sa pagsugpo sa mga sindikato, tulak, at adik na lumalaganap hanggang pinakamababang barangay sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Maituturing ding artefakto ang mga dokumento, sapagkat bagaman ang karamihan dito ay inaagiw at natabunan ng alikabok ay karapat-dapat titigan muli sa ngalan ng pagtatanggol sa mga karapatang pantao ng bawat Filipino.
Sa pagsusuri ng naturang mga dokumento ay maaaring mapansin ang tila pagkakahawig-hawig ng naratibo ng pagdakip o pagpatay sa mga hinihinalang tulak o adik, ani Chel Diokno, at ito ang dapat pagtuonan sa mga pagsusuri.
Kung palalawigin ang napansin ni Diokno, at ng mga kapanalig niya sa FLAG, ang salaysay ng mga pulis laban sa mga akusado ay maaaring sipating kaduda-duda, sapagkat hindi lamang ito nagtataglay ng wari’y pro forma na taktika ng naratibo, bagkus wari’y bunga ng pagmamadali na makapagsampa ng reklamo sa hapag ng piskal, at kung may matatagpuang probable cause [posibleng sanhi ng kaso] ay maaaring sampahan ng kaso sa korte ang isang akusado. Ang ganitong obserbasyon ay mapatutunayan kung paghahambingin ang mga naratibo, halimbawa, sa buy-bust operation o sa pagsalakay sa mga tinaguriang drug den.
Ang pag-aaral sa tinutukoy na war docs ay maaaring sipatin kada distrito, halimbawa ay sa Metro Manila na may Eastern Police District at Western Police District. Sa dalawang distritong ito ay maaaring tukuyin ang pagkakahawig-hawig ng kaso, gayong iba’t iba ang mga sitwasyon, oras, pangyayari, at tauhan ang mga sangkot. Maaaring matuklasan, halimbawa, na sa bawat operasyon ng pulis, ay hindi kompleto ang mga dokumento bago isagawa ang pagsalakay at pagdakip laban sa mga akusado. Maaaring matunghayan na kulang-kulang ang mga report, gaya ng Spot Report, After-operation Report, at Follow-up Report, na dapat ginagawa ng imbestigador na isinusumite sa piskal. Maaaring matuklasan din ng mga sumusuyod sa dokumento na pare-pareho ang paraan at naratibo sa buy-bust, lalo sa mga akusadong nahulihan ng maliliit na gramo ng damo o shabu.
Ang problema ay kahit kulang-kulang ang mga report ay naitutuloy pa rin ang kaso sa tulong ng piskal, halimbawa sa mga kaso na warrantless arrest. Kung kulang-kulang ang report ng pulis, sapat na ba ang ganitong sitwasyon para pangatwiranan ang probable cause o ang posibleng sanhi kung bakit dinakip ang isang akusado? Ang totoo’y napakaluwag ng piskal sa panig ng mga pulis, at ito ang dapat lapatan ng batas ng kongreso. Halimbawa, ang surveillance o paniniktik ng pulis ay ipinapalagay agad na may regularidad, at natural lamang umano na paniwalaan ang panig ng pulis na humuli o pumatay sa akusado. Ngunit paano kung ang mismong dokumento ukol sa surveillance ay hindi naberipika nang maigi? Sa ganitong pangyayari, makikita kahit sa surveillance report ang butas at di-pagkakatugma, halimbawa ng mga alyas na ginagamit sa akusado, o ang tunay na pangalan ng akusado—na karaniwang nababatid lamang ng pulis matapos ang interogasyon. Posibleng matuklasan ng FLAG na may mga akusado na dinampot ngunit wala ang kanilang pangalan sa surveillance report.
Ang pagkakahawig-hawig sa mga kaso ay matutunghayan din sa presentasyon ng umano’y nakuhang ebidensiya sa isang akusado. Halimbawa, tatawagin ang isang kagawad ng barangay at ang isang kinatawan Prosecutor’s Office o kaya’y kinatawan ng media, na sabihin nang isang korespondente sa isang pahayagan. Maaaring matuklasan sa pag-iimbestiga na ang dalawa o tatlong ito ay hindi naman naroon sa oras ng operasyon; at ipinakita lamang sa kanila ng pulis ang mga sinasabing ebidensiya laban sa akusado, at pagkaraan ay magpapakuha ng retrato at lalagda na sila bilang mga saksi sa ulat ng imbestigador na siyang magsusumite ng ulat sa piskal. Ang nasabing dokumento ay paniniwalaan agad ng piskal at hukom, at ni hindi kinukuwestiyon kung batid nga ba ng mga saksing ito ang naganap na operasyon.
At ang masaklap, ang ilang reporter ay iba ang salaysay kahit interbiyuhin ang mga akusado. Ang nananaig ay ang naratibo ng pulis, at naisasantabi ang pagkuha ng katotohanan mula sa panig ng akusado. Ang ibang akusado ay sinisiraan agad sa media para hindi na makapiyok. Nakadepende rin ang naratibo ng reporter sa sasabihin ng pulis, at kung ang pulis imbestigador ay hindi pa tapos sa kaniyang ulat na isusumite sa piskal, magkakaroon ng di-pagkakatugma kahit sa naratibo ng mga reporter at sa naratibo ng pulis kung paghahabingin ang press release sa mga diyaryo at Internet, at ang legal na dokumentong nilagdaan ng mga pulis na isinumite sa piskal para sa inquest proceeding ng akusado.
Ang susi sa pagsusuri ng war docs ay maaaring matunghayan sa pagtutuon sa naratibo ng mga imbestigador, na kung minsan ay tinutulungan pa umano ng piskal. Dito maaaring makita ng FLAG ang ratio na pagkakakahawig-hawig ng mga kaso, halimbawa sa buy-bust operation o sa pot session o sa simpleng pagdadala ng mga kasangkapan sa pagdodroga. Ang pagkakahawig ay may kaugnayan sa manerismo o karaniwang gawi at estilo ng pagsulat ng imbestigador. Ang ibang ulat ay waring pinalitan lamang ng pangalan, oras, petsa, at lugar ng pangyayari, at tila de-kahon upang maging madali ang report ng imbestigador. Kung minsan, ang imbestigador ay kasama umano sa operasyon (na bawal na bawal sa batas), at kahit nakita ito ng piskal o hukom ay isinasantabi. Ito ay dahil ay binibigyan lamang ng 24 oras ang pulis para madala sa piskal ang akusado at agad masampahan ng kaso. Posibleng mapansin pa sa maraming dokumento na ang ilang ulat ay hindi nalagdaan ng pulis bago isumite sa piskal, at ang nakapagtataka’y pinalulusot lamang ito ng piskal para sa kabutihan ng pulis.
Mapapansin din ng FLAG na ang pagdakip sa mga akusado ay karaniwang Biyernes ng hapon o gabi o kaya’y Sabado, at sa maraming pagkakataon ay hindi lahat ng korte ay bukás sa ganoong mga araw, o kaya’y walang pasok ang piskal, at natural na nabibigyan ng sapat na panahon ang pulis upang makagawa ng ulat at makapagsumite nito sa piskal. Ang operasyon ay nakapagtatakang halos magkakahawig, at hindi nabibigyan ng sapat na panahon ang akusado na makahingi ng tulong kahit sa PAO (Public Attorney’s Office), dahil walang pasok ito sa naturang pagkakataon. Upang patunayan ang Biyernes o Sabado ang mga banal na oras ng operasyon, maaaring magtungo sa mga bilangguan sa mga lungsod at tingnan ang bilang na dumarating na akusado kada araw.
Kailangang mapag-aralan din sa war docs ang estado ng mga akusado. Marahil ay 90 porsiyento ng mga dinakip ay karaniwang mamamayang maituturing na nasa ilalim ng guhit ng kahirapan, at natural na ang mga akusadong ito ay umasa lamang sa maibibigay na tulong ng PAO. Ang iba’y napipilitan na lamang umamin sa mas mababang kasalanan (plea bargain), sapagkat wala silang sapat na kakayahang pinansiyal upang lumaban pa sa mga pulis at piskal. Kung ang siyam sa sampung akusado ay magkakapareho ang naratibo ng pagkakadakip kung hindi man pagkakapatay, hindi ba ito dapat pagdudahan ng mga hukom? Ngunit maaaring nangangamba rin ang hukom sa kaniyang posisyon o seguridad, kaya ang pinakamabilis na paraan ay paniwalaan niya ang naratibo ng pulis na isinumite ng piskal at hatulan ang mga akusado.
Hindi ko minemenos ang mga abogado ng PAO, sapagkat marami sa kanila ang matatalino, masisipag, at mapagmalasakit, ngunit sa dami ng kanilang hinahawakang kaso, na ang iba’y kailangang hawakan ang 30-40 kaso kada araw, paanong mapangangalagaan nang lubos ang kapakanan ng mga akusadong dukha? Ang kaso ng mga nasasangkot sa droga ay hindi totoong natatapos agad sa isang buwan; ang kaso ay maaaring tumagal nang ilang buwan, halimbawa, sa presentasyon pa lamang ng mga ebidensiya, bukod pa ang regular na pagpapaliban sa pagdinig, at bago matapos ang pagdinig ay napagsilbihan na ng akusado ang panahong dapat ilagi sa loob ng bilangguan.
Ang imbestigasyon sa war docs ay magbubunyag din sa estado ng prosekusyon at hukuman sa Filipinas. Kahit nakikita ng di-iilang hukom at piskal na magkakahawig ang naratibo ng pulis ay maaaring pumabor pa rin sila laban sa mga akusado sapagkat may pangambang masangkot sila sa narco-list, at ito ay may kaugnayan umano sa order sa nakatataas. Ito ang karaniwang napapansin ng mga akusado, at hindi ito maitatatwa magsagawa man ng malawakang sarbey sa mga bilangguan. Napapansin din ng ilang akusado na ang ilang piskal ay nagiging tagapagtanggol ng pulis, imbes na suriin nito nang mahusay kung karapat-dapat bang sampahan ng kaso ang isang akusado, batay sa naratibo ng pulis.
Ngunit sino ba naman ang mga akusadong adik at tulak para paniwalaan ng hukom? Kahit ang mga akusadong nagsampa ng Mosyon para makakuha ng ROR (Release on Recognizance) na nasa batas ay malimit hindi napagbibigyan ng hukom, at pilit silang pinatatapos ng counseling, kahit ang rekomendasyon ng CADAC ay out-patient counseling o community-based rehabilitation para sa akusado. Totoong prerogatibo ng hukom ang pagbibigay ng ROR, ngunit kung sisipatin sa ibang anggulo, ang pansamantalang pagpapalaya sa mga akusado ay makapagpapaluwag ng bilangguan at malaking katipiran sa panig ng gobyerno dahil mababawasan ang pakakainin nitong mga bilanggo.
Ang imbestigasyon ng war docs ay hindi nagtatapos dito. Sa sampung detenido at nasa ilalim ng BJMP, masuwerte na ang dalawa ay magkaroon ng dalaw, ayon sa ilang tagamasid. Ang walo na hindi sinuwerteng dalawin ng kamag-anak o kaibigan ay nabubulok sa bilangguan, maliban na lamang kung magkukusa ang abogado nila sa PAO na pabilisin ang kanilang paglilitis. Ang ibang akusadong nakalaya ay bumabalik sa bilangguan o binabalikan ng pulis, kaya napipilitan ang mga tao na ito na lumipat ng ibang lugar na matitirhan. Ipinapalagay dito na ang mga akusado ay talamak na adik o tulak, na may katotohanan sa ilang pagkakataon, ngunit ang ganitong sitwasyon ay hindi totoo sa mayorya ng mga detenido. Ang mga pulis, sa wika ng ilang kritiko, ay may quota na dapat matupad sa pagdakip sa mga adik at tulak; at kaya kahit matino ang isang pulis ay napipilitan siyang sumunod sa utos ng kaniyang opisyal. Gayunman ay walang quota kung ilang drug lord ang dapat mahuli o kung ilang sindikato sa droga ang dapat mabuwag sa isang buwan. Kung may quota ang pulis, ayon sa ilang tagamasid, ang pinakamabilis na paraan ay likumin ang mga adik sa mga dukhang pamayanan, at ipaloob sila sa mga bilangguan.
May narco-list ang pangulo hinggil sa mga politiko, negosyante, pulis, at sundalong sangkot sa droga. Ilang beses pa niya itong binanggit sa kaniyang mga talumpati. Ngunit hangga ngayon ay walang quota kung ilan sa kanila ang dapat mabilanggo sa loob ng isang buwan; at kung ilang Tsino o Koreano o Hapones o Mehikanong sangkot sa sindikato ang dapat tumimbuwang kada linggo. Nang akusahan ng isang Bikoy ang anak ng pangulo na sangkot sa narkotrapikismo ay mabilis itong sinangga ng mga opisyal ng PNP at Malacañang, at nagsabing bunga lamang ito ng propaganda. Ni walang tangkang imbestigahan man lamang kung may bahid ng katotohanan ang akusasyon. Nang sabihin ng dating opisyal ng pulisya na ang mga Tsinong kasama ng pangulo ay sangkot sa droga ay mabilis din itong pinabulaanan ng Palasyo at ni walang imbestigasyon. Samantala, kumakapal araw-araw ang listahan ng mga bilanggong inakusahang adik at tulak, ngunit ang tunay na ugat na dapat bunutin sa digmaan laban sa droga ay hindi nalulutas.
Ang pagsusuri sa war docs ay hindi lamang tungkulin ng mga abogado ng FLAG. Tungkulin ito ng bawat Filipino, sa ngalan ng demokrasya, sapagkat ang pagtatanggol ng karapatang pantao ay pagtatanggol din sa kapakanan ng buong Filipinas.

Yes to human rights. Yes to humanity.