Basyo, ni Roberto T. Añonuevo

Basyo

Roberto T. Añonuevo

Umiinom sila ng kaliwanagan sa tumpak na gabi, at ang kanilang tinutungga’y maaaring itinimpla sa mga ilahas na pulút o kabute o talampunay, ngunit tanggaping simpait  ng apdo ang pagtatagpo, gaya ng mithing ayawaska. “Pumanatag,” ani matanda sa kaniyang panauhin, “at sa pagsasalubong ng ating mga titig, bawat kataga ay pananalig sa banal na layon at paglaya.”

Kung bakit hindi nagkataon ang sandaling ito ay hindi agad mauunawaan ninuman. Maraming imumuwestra ang banyaga, na maaaring palaisipan o kaya’y paglalaro ng ahedres sa gilid ng bangin. Maaaring isinakay siya ng eroplano at pagkaraan ay isinakay ng alon at kabayo, pagdaka’y maglalakad nang ilang kilomentro upang dito itanghal ang kamalayan: dalawang aninong nag-uusap sa isang hapag. Kung ano ang pagkakaiba nila ay ang pagkakahawig din nila: kulay at wika, damit at gamot, lugod at lungkot.

Apat na libong halaman at punongkahoy, at ang itinuturing na maestro ng lahat ang magtuturo sa kanila ng daan, ang landas tungo sa nakaaakit na karimlan. Ipagpalagay itong botika o kusina o piging, at pipiliin nila kung ano ang idadampi, sisinghutin, at iinumin na pawang ituturo sa kanila ng mga kaluluwa ng kagubatan. Hindi ba ito ang halaman ng pagbabanyuhay, Gilgamesh?

Huni, sitsit, aklaha, alunignig, tilaok, kokak, at ngayon ang sipol ng hangin sa ritmo ng kalatong sa kanilang pandinig. Ang kurandero ay babaylan o maaram, at kung siya man ay galing sa Peru o Brazil, ay naririto ang espiritu sa Bukidnon. “Hayaan ang paligid, at paligiran ang sarili,” ani Kurandero, “ng lubos na pagtitiwala sa wala.” Wala o nawawala. Ang kahungkagan bilang karunungan, o kung hindi’y kapuwa sila nagkakamali.

Sapagkat nangangarap sila ng gamot para sa depresyon o altapresyon, sakit sa puso o sakit sa puson, at lisanin itong dalamhati. O yaon ang hinihiling sa kanila ng mga maysakit. Binubuksan nila ang tapón sa botelya ng mga impakto, at bumabaligtad ang sikmura dahil sa itinatwang katotohanan. “Maaaring nagkakamali ka, Ginoo. Mapaghihilom mo ang sarili, kung iibigin.” Subalit uukilkil muli sa kanilang kamalayan ang mga hindi nila inaasahan.  .  .  .

Ang katotohanan ay binatilyong dinampot at binaril ng pulis, dahil sa suspetsang adik o tulak; ang katotohanan ay mga timba na nakapila sa sinisinok na gripo; ang katotohanan ay pamayanang binobomba ng eroplano at binobomba ng bumbero; ang katotohanan ay putok at sitsarong agahan o hapunan; ang katotohanan ay mga bahay na nagliliyab para maging casino at supermarket. At ang katotohanan, na taas-baba ang temperatura, ay krudong nagbabago ang presyo kada linggo.

“Sapagkat ang realidad ay nasa ating limang pandama,” ani Kurandero, “at kung hindi natin maarok ang realidad na nakaikot sa atin, ito ang kabaliwan.” O ito ang sinasabi ng anunsiyante at publisista, at kung minsan ay ginagawang biro ng pangulo. Umuulan ng sibuyas at kamatis ngunit ang mga magsasaka’y nagkakamot ng ulo dahil sa utang. Ipinupuslit ang mga bigas para maging bagong batas, at ipinupuslit ang bato’t buhangin para maging banyagang dalampasigan. Lumalaki ang pamilihan, humahaba ang mga tulay, tumatayog ang mga gusali, at lalong nagugutom sa harap ng kompiyuter o selfon ang publiko.

“Lumalawak ang migrasyon, at lumalakas ang pera-padala,” sabi ng panauhin, “at tanggaping umuunti ang balikbayan gaya sa Ilocandia at ang pinalad na nakauuwi ay nakaposas o kaya’y nasiraan ng bait at sinira ang dangal, kung hindi man nasa metalikong kabaong.” Masuwerte na kung ang nagbabalik ay may medalya at pasalubong na tsokolate, alak, at damit, dagdag niya, habang kipkip ang sanlaksang dunong, pilat, at karanasan mula sa iba’t ibang lansangan. At itatanong ng sumalubong, “Bakit ka naririto?”

Sa hanggahang walang tama o mali, ang pag-iimbot sa pera o asawa ng iba ay bagong pitas na tsiko. Ang paggilit sa leeg ng manok ay resureksiyon ng kirot sa kalooban. Kung ang rikit ng pagkawasak ay nagagawang payak, ang basagan ng mukha ay katumbas ng ulan ng papuri’t salapi; ang pagtoma nang timba-timba ay piging sa pamamaalam; ang pagratrat ng armalayt sa paaralan at simbahan ay papalakpakan sa ngalan ng pananalig o katangahan; at ang paggahasa sa mga bata ay katwiran ng kasarian at hormone na rumaragasa.

¡Qué sombra oscura!

Naggugubat sila upang makainom ng mahiwagang likido. Bubuksan nila ang dimensiyon sa likod ng noo, at ang kanilang ritwal ay tandang na pumupupog, o ulupong na dumidila, o ilog na humahalakhak sa mga hubad na dalagang naliligo. Ang mga anito ba’y pumipitlag na enerhiya at nagbabalik sa kanila bilang alupihang-dagat o paruparo? Naririto ba ang diwata sa elektrisidad ng simoy at mga ugat? Marami pa silang tanong, at ang paghahanap ng tugon ay saray-saray na sinestisya ng panaginip at taimtim na pakikinig sa awit ng Ikaro. Maya-maya’y bigla silang natahimik.

Naririnig nila sa kanilang guniguni ang pagsapit ng Pangulo—na galit na galit— habang kuyom-kuyom ang sangkurot na damo.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Yes to human rights!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.