Pagkaraan ni Balagtas
Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo
Gumuguho ang kastilyo nang dahil sa tula, ito ang palagay ng mga lamanlupa nang minsang bumigkas ng pangwakas na talinghaga ang kondenado sa harap ng bibitayan. Nagkakagulo sa buong bayan, lumalaganap na lason ang implasyon, napipitas na talulot ang mga sanggol sanhi ng salot, at naglalabo-labo ang mga palaboy sa natitirang pagkaing sinalakay ng madlang nanloob sa parian. Sa kabilang ibayo’y nakatanghod ang mga banyagang sasakyang pandagat, na ang pagkakahilera’y waring mga selulang lulan ang di-maipaliwanag na sakit. Ang tula ay nagkaroon ng bagwis, humuni ng nakatutulig na himig, pumaimbulog nang humahagunot, at sa kisapmata’y nayanig ang paligid nang paulit-ulit. Lumukob ang nakabubulag na alikabok, at walang ano-ano’y kumidlat at kumulog sa gitna ng tag-araw. Pagdaka’y naglaho ang tula sa loob ng ilang siglo, kasabay ng pagkamatay ng kondenado, at nang magbalik ito sa hinulaang sandali, ang tula ay nasa anyo ng rakistang bilugan ang tinig habang gumigitara nang kaytimyas sa sining, at ang alamis ay lungsod na lumulubog sa di-maireresiklong basurang diwain o kung hindi’y sangganong intelektuwal na hinahagad ng bala at batas ng awtoridad. Bawat tao na makaengkuwentro ang mga salita nito’y napahihiyaw at napasasayaw, waring nakatoma ng ayawaska, umiiyak-at-tumatawa na waring nalilibugan o nababaliw, at kung iyon ang itinuturing na kamalayan, ang kamalayan ay unibersong pumipintig sa loob ng isang paslit na katawan.

Yes to human rights. Yes to humanity.