Ang Tulay, ni Leopold Staff

Salin ng “Most,” ni Leopold Staff ng Poland.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Tulay

Leopold Staff

Hindi ako noon naniwala,
Habang nakatindig sa pampang ng ilog
Na napakalapad at rumaragasa ang agos,
Na matatawid ko ang mahabang taytay
Na nilala sa maninipis, maseselang baging
At ibinuhol sa mga uway.
Maingat akong naglakad gaya ng paruparo
At simbigat ng elepante,
Tiyak ang hakbang ko gaya ng mananayaw,
At humapay-hapay gaya ng isang bulag.
Hindi ako makapaniwalang matatawid ko
Ang tulay, at ngayong nakatayo na ako
Sa kabilang pampang,
Hindi ako naniniwalang nakatawid nga ako.

Stop weaponizing the law. Stop weaponizing history. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. End impunity for crimes against humanity! Pass the word.

Awit at Sayaw, ni Usman Awang

Salin ng “Lagu dan Tari,” ni Usman Awang ng Malaysia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Awit at Sayaw

Usman Awang

Kahapon ay nasaksihan ko ang isang sayaw:
Malalaking súsong umaalog, nang-aakit,
Ilahas na pagnanasa at matang maaalab,
Lagabog ng musika’y pataas nang pataas.

Nanlaki ang mga mata ng madla, at namuti
ang bawat tamaan ng rumaragasang libog.

Lahat ay hubad, lahat ay labis na pag-iimbot
na kumakain ng lamán, at ibig makahipo.

Ito ang awit, ito ang sayaw sa mahabang gabi,
Paulit-ulit sa mga araw ng búang na digma;
Búkas, lahat ng puso’t akda’y pulos papuri:
Ito, anila, ang “sining” mula sa tunay na “alagad!”

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human right at all costs! Stand up to climate of fear! Where are you, oh my people?

Kamatayan sa Tatlong Tinig, ni Edith L. Tiempo

Salin ng “Death in Three Voices,” ni Edith L. Tiempo
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kamatayan sa Tatlong Tinig

Binabaklas natin ang huklubang baláy.
Ang yumaong matatanda ng angkan
Ay dumadagundong sa mga tinig
Na lalong pinaaalab ng pagkakawalay.

Ngunit higit na nagpalalayô
Ang mga hiyaw ng talaksan at hubog,
Ang mga tinig ng mga dingding, ng sahig,
Ang lumang bahay na pinaaalunignig
Ang mga hininga pabalik sa sarili.

Hinubdan natin ito nang lubos
Ng andamyo at balangkas,
Nananatili ang mga tunog
Na nakatali sa kanilang ayós na bilibid,
Para habambuhay na pigain sa plano
Na maging tunay na walang tirahan.

Stop weaponizing the law. Stop weaponizing history. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Yes to human rights. Yes to humanity. Yes to poetry! Pass the word. Make a difference in this world.