Salin ng “La Medianoche,” ni Gabriela Mistral ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang Hatinggabi
. . . . Banayad ang hatinggabi.
Naririnig ko ang mga buko ng rosal:
sumusulak ang dagta tungo sa ubod.
. . . . Naririnig ko
ang mga sunóg na guhit ng tigreng
maharlika: hindi nito pinahihimbing siya.
. . . . Naririnig ko
ang himig ng kung sinong nilalang
at lumalaganap ito sa magdamag
gaya ng bundok ng buhangin.
. . . . Naririnig ko
ang hilik at hinga ng ina kong natutulog.
(Kapiling ko siyang natutulog
sa loob ng limang taon.)
. . . . Naririnig ko ang Ródano,
na sakay ako padausdos gaya ng ama
na binulag ng mga bulâ.
. . . . Pagdaka’y wala akong maririnig
bagkus ako’y mahuhulog
pabulusok sa mga pader ng Arles
na sinisinagan ng araw. . . .