Monumento
Robeto T. Añonuevo
Matatayog na basura, gunita kayo ng matatangkad
na bisyon, at ngayon ay ultimong bakas ng polusyon.
O yaon ay guniguni lamang ng bulag na si Borges?
Nabása marahil ito ng Komandante, at kung ang Cuba
ay Filipinas, ang rebolusyon ay pagtanggi sa parangal
na magpapasikip sa rotunda o plasa ng mga palaboy.
Sementeryo ang bantayog. Kung hindi kayo mga multo,
bakit iihian ng askal o dudungisan ng aktibista’t tambay?
Kulang para sa tindahan o terminal ng mga sasakyan,
memoryal kayo ng isla o kalabisan, ang palatandaan
kapag naliligaw, ang kabayanihan sa aming natatakot
humawak ng baril at laging tangan ang bagong selfon.
Ngunit babalâ kayo para sa inaasahang kapahamakan,
dulot man ng bagyo o sunog o digma, at tinatanggap
namin ang henyo ng eskultor o kontratista na kumikita
para iresiklo ang mga kamalayang lumulutang sa baha,
tinatabunan ng banlik at putik, at kung sakali’t magbalik
ay hindi mauunawaan ng mga batang naglalaro sa titik.
Pana-panahon kayong nililinis para ulanin ng bulaklak,
at kung minsan ng awit at tula at dula, sa selebrasyon
ng mga politikong artista o sotang bastos ng burukrata.
Sapagkat kayo’y mahal ngayon, at magmamahal lalo
kung artefakto ng kolektor: ang dambana ng papuri,
ang listahan ng pangalan at patina sa tansong tagumpay.
Kung ituring man kayong bilangguan ng dakila’t bathala
ay ano’t hindi namin ikinasisiya ang luwag at aliwalas?
Kahit ang gamot ay nagiging lason sa wika ng hinaharap.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Uphold human rights at all costs!