Salin ng “Tristesse de l’eau,” ni Paul Claudel ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Dalamhati ng Tubig
. . . . . . . Sang-ayon akong may bukál ng imbensiyon sa galak, ng bisyon sa halakhak. Ngunit upang maunawaan ang paghahalo ng kabutihan at kapaitan sa sandali ng paglikha, ipapaliwanag ko sa iyo, aking kaibigan, sa yugtong nagsisimula ang malamlam na panahon, ang dalamhati ng tubig.
. . . . . . . Mula sa langit at talukap ng mata ay sumusungaw ang kambal na luha.
. . . . . . . Huwag isiping ipataw ang iyong kalungkutan sa mga ulap o sa talukbong ng makutim na ulan. Pumikit, at makinig! Pumapatak ang ulan.
. . . . . . . At hindi ang monotoníya ng nakapirming ingay ang sapat upang ipaliwanag ito.
. . . . . . . Nasa pagkabato ng pighati na ang sanhi ay mula sa sarili nito, ang saklap ng pag-ibig, ang dibdibang bigat ng págpapagál. Lumuluha sa lupa ang langit upang gawin itong malusog. Higit sa lahat, hindi ang taglagas at ang napipintong pagkapigtal ng bunga na ang buto ay tinitighaw nito ang nakapagsisilang ng mga luha mula sa mga malayelong ulap. Ang kirot ay nasa tag-araw mismo, at ang alimbukad ng kamatayan ay nasa bulaklak ng búhay.
. . . . . . . Kapag malapit nang sumapit sa wakas ang oras bago ang tanghali, habang lumulusong ako sa lambak na hitik sa laguklok ng sari-saring matang-tubig, huminto ako, at nabalani ng pagkayamot sa pagkakamali. Anung dami ng tubigang ito! At kung ang mga luha, gaya ng dugo, ay patuloy na bumabalong sa kalooban natin, anung ginhawang makinig sa likidong koro ng mga tinig na sagana at marupok, at tumbasan ang mga ito ng lahat ng kulay ng ating lungkot! Wala nang iba pang damdamin ang tatangging pahiramin ka ng mga luha nito, o, mga bukál! At bagaman kontento na ako sa bisà ng isang patak sa sanaw at nagmula sa kaitaasan sa hulagway ng buwan, hindi nakapanghihinayang mabatid ang kanlungan mo sa mga hapon, lambak ng pighati.
. . . . . . . Ngayon, narito muli ako sa kapatagan. Sa hanggahan ng kuból na ito na tinatanglawan ng kandila ang panloob na karimlan para sa kung anong rustikong pista, isang lalaki ang nakaupo habang tangan ang maalikabok na pompiyang. Bumubuhos ang ulan; at sa gitna ng tigmak na kapanglawan, ako lámang ang nakaririnig ng palatak ng gansa.
(Pour Bea)

Stop weaponizing the law. No to martial law. No to dictatorship. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing! Uphold human rights at all costs!