Salin ng “Mes statues,” ni Henri Michaux ng Belgium
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Mga Estatwa Ko
. . . . . . Mayroon akong mga estatwa. Ipinamana sa akin yaon ng mga panahon: ang mga panahon ng aking paghihintay, ang mga panahon ng panlulupaypay, ang mga panahon ng aking di-maipaliwanag, di-matighaw na pag-asa na lumikha sa kanila. At ngayon, narririyan sila.
. . . . . . Gaya ng mga baság na bahagi ng sinaunang mga guhô, malimit akong bigô na mabatid ang kanilang kahulugan.
. . . . . . Lingid sa akin ang pinagmulan nila—naglaho yaon sa gabi ng aking búhay—na ang mga anyo ay nakaligtas sa di-mahahadlangang daluyong ng panahon.
. . . . . . Ngunit naririyan sila, at ang kanilang mga marmol na hardin kada taon, pumuputi nang pumuputi laban sa maitim na sanligan ng maraming ibinaon sa limot.

Alimbukad: Wikang Filipino sa Panitikang Pandaigdig