Salin ng tulang “Allo ,” Benjamin Péret ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Kumusta
ang eroplano kong nagliliyab ang kastilyo kong lubog sa alak
ang itim kong alikmatang ghetto ang aking taingang kristal
ang bato kong ipinukol sa buról ang dudurog sa pulis
ang ópalo kong susô ang aking lumilipad na lamok
ang burda kong ibon-ng-paraiso ang buhok na bulang itim
ang puntod kong bumukad ang pulang tipaklong na ulan
ang aking lumilipad na pulô ang aking turkesang ubas
ang kotse kong binangga ang kama ng ilahas na bulaklak
ang pistil ng amargon ko ang nakatimo sa aking mata
ang aking búko ng sibuyas ang nasa aking utak
ang aking usá ang gumagala-gala sa ilang sinehan
ang aking ataul ng araw ang aking prutas na bulkan
ang tawa kong kubling sanaw na lumunod sa propetang baliw
ang umaapaw kong groseya negra ang lilim na paruparo
ang bughaw kong talón ang daluyong sa tagsibol
ang nguso ng rebolber ko ang umaakit na sariwang balón
sinlinaw ng salamin na tinitigan mo ang mga tariktik
ng sulyap
na tumatákas at nangaglaho sa linong tabing na ikinuwadro
sa mga ibinurong bangkay
mahal na mahal kita
Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig