Salin ng “Sur les pas de la lune,” ni Philippe Jaccottet ng Switzerland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Sa mga bakás ng buwan
Ngayong gabi, habang nakasungaw sa bintana,
nakita ko ang daigdig na ano’t napakagaan,
at nangaglaho ang alinmang balakid nito.
Lahat ng pumipigil sa akin kapag umaga’y
tila nakatakdang hatakin ako ngayon
mula sa isang lagusan tungo sa iba pa,
mula sa loob ng tahanan ng tubig
tungo sa kung anong marupok at maningning
gaya ng damuhang nakatakda kong pasukin
nang buong tapang, labis ang pasasalamat
sa taglay na kasariwaan ng mundo,
at sa mga bakás ng buwan ay nawika kong,
Oo, at pagdaka’y tumalilis ako. . . .