Salin ng “Kaval,” ni Oktay Rifat ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Ruth Christie
Pasiyók
Ang araw na inihambing niya ang libingan sa kawan ng tupa
Ang araw na nabatid niyang “pagsapi sa kawan ang mamatay,”
Isinulat niya ito. Ngunit ang pangungusap na ito’y taliwas
Sa puntod, walang himig sa pasiyok ng pastol, wala ni pastol.
Nagmula kung saan ang himig-pasiyók, magaan at mapaglaro.
“Narito ang mga pastol,” wika nito, napukaw ang mga tupa,
Ngunit nang mayamot ang mga ito’y tumahimik ang pasiyók.
Mabuti nang ilibing ang lahat ng di-nasusulat na bagay
Sa isang taludtod: “Ang mamatay ay pagsapi sa kawan.”
Ngayon, muling tumugtog ang pasiyók, para sa kaniya lamang,
Subalit maaasahang biglang hihinto ito sa piniling sandali.
Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig