Ang Kalye Ravignan, ni Max Jacob

Salin ng “La Rue Ravignan,” ni Max Jacob ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Kalye Ravignan

“Walang sinumang nakapapaligò nang dalawang ulit sa parehong batis,” ani pilosopong Heraklitus. Ngunit malimit na parehong mga tao ang naglalandas sa kalye! Malimit parehong oras ng araw sila tumatawid, masaya man o malungkot. Lahat kayo, mga nagdaraan sa Kalye Ravignan, tinagurian ko kayo sa ngalan ng mga tanyag na yumao. Naroon si Agamemnon! Naroon si Ginang Hanska! Si Ulysses ang maggagatas! Nang lumitaw si Patroklus sa dulo ng kalye, katabi ko ang Faraon! Sina Castor at Pollux ang mga babae sa ikalimang palapag. Subalit ikaw, huklubang basurero, na nagmula sa engkantadong umaga upang kunin ang nabubuhay pang basura habang pinapatay ko ang malaking lampara, ikaw na hindi ko kilala, misteryoso at dukhang basurero, tatagurian kita sa bantog at maringal na pagkilala, at tatawagin kitang si Dostoievsky.