Salin ng “Parathania e parathanieve,” ni Migjeni (daglat ng Millosh Gjergj Nikolla) ng Albania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Pambungad sa mga Pambungad
Humihina ang mga diyos sa paglipas ng mga araw;
Gumuguho ang kanilang mga hulagway
Sa pag-inog ng mga taon at siglo,
At ngayon ay walang nakaaalam kung sino talaga
Ang diyos at kung sino ang tao.
Sa utak ng sangkatauhan, nakayukod ang diyos,
Ang kaniyang mga daliri’y nakatimo sa pilipisan
Na pahiwatig ng pagsisisi
At sa mapait na panghihinayang ay napahiyaw:
Ano, ano ang aking nalikha?
Hindi batid ng tao
Kung ang diyos ang kaniyang nilikha
O siya ang nilalang ng diyos,
Ngunit naaarok niyang isang uri ng kahangalan
Ang magmuni-muni sa idolong hindi tumutugon.
At ngayon ay walang nakababatid kung sino
Ang diyos at kung sino ang tao.
Sumapit ang panahon
Na ang mga tao’y lubos na nagkakaunawaan
Sa isa’t isa upang itindig ang Tore ng Babel—
At sa tuktok ng Tore, sa pinakamataas na trono,
Ang tao ay luluklok, at sisigaw nang ubos-lakas:
O diyos! Nasaan ka?

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig