Malimit kitang mapanaginip, ni Robert Desnos

Salin ng “J’ai tant rêvé de toi,” ni Robert Desnos ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Malimit kitang mapanaginip

. . . . . . .Malimit kitang mapanaginip kayâ higit ka sa pagiging tunay.
. . . . . . .May panahon pa bang matamo itong buháy na láwas at ilagda sa bibig nito ang pagsilang ng tinig na labis na matalik sa akin?
. . . . . . .Malimit kitang mapanaginip kayâ ang mga bisig kong dáting kumukulong sa anino mo ay nakadait na lamang sa aking dibdib at maaaring hindi na muling madama ang hugis ng iyong katawan.
. . . . . . .At sa harap ng tunay na anyo na bumabagabag at bumibihag sa akin nang kung ilang araw at ilang taon, walang pasubaling ako rin ay magiging anino.
. . . . . . .Ay, anung pihit ng kalooban!
. . . . . . .Malimit kitang mapanaginip kayâ nakatitiyak na wala na akong oras para gumising pa. Natutulog akong nakatayô, ang katawan ko’y lantad sa lahat ng itsura ng búhay at pag-ibig at ikaw, ang tanging mahalaga ngayon sa akin, mahihipò ko ang iyong noó at labì nang madali kaysa ibang labì at noó.
. . . . . . .Malimit kitang mapanaginip, at ako’y naglalakad, nagsasalita, natutulog nang madalas kasiping ang iyong multo kayâ marahil ang tanging makabubuti sa akin ay maging multo sa hanay ng iba pang multo at sandaang ulit ang dami ng anino sa iba pang anino na naglalakad at patuloy na maglalakad patawid sa kuwadrante ng iyong pag-iral.