Salin ng “Saaremaa,” ni Helga Jermy ng UK at Australia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Saaremaa
Ninakaw ko ang iyong mga kuwento
sa paraang labis-labis ang paggalang.
Tila pamana iyon matapos akong mawalan,
binabati ng mga punongkahoy na naglalakad
sa mga pabula, sumisilang ang mga bathala
ng Saaremaa sa bumubulusok na bulalakaw,
lahat ng salaysay na ipinadpad mulang dagat.
Tinitingnan ko lamang ang heograpiya habang nagmamaneho tungo sa puso ng lupaing ito,
at bawat puno’y may pahiwatig sa DNA nito.
Sinalubong ko ang nauupos-upos na liwanag
habang humihinto itong magpinta ng anino.
Maaabot ko sa wakas ang karimlan dito.
Maalab, matingkad na sípiya ang kulay,
na tila walang kamalay-malay sa kakayahan.