Sa Tiendesitas, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Tiendesitas

Roberto T. Añonuevo

Kung ako ang ama ng daigdig na ito, ikaw pa rin ba ang anak ko sakali’t magunaw ang kinatatayuan mo? Sasagutin mo ako ng ngiti, na waring ang ngiti ay pagsasabi na hindi kailanman magaganap iyon, na katumbalik ng alak na nasa hapag.

“Iba ang planeta ko,” isisingit mo, at tayo’y malalasing sa espiritu at salita. “Bakit mo inakalang ikaw ama ng daigdig na ito kung ang realidad na ito ay nasa loob lámang ng iyong guniguni? Paano kung ang daigdig na ito ay sirang plaka na paulit-ulit umiikot, at nagsasabing ang Ama ay hindi ang lumikha ng lahat, bagkus ang laláng ng Salita para lapatan ng katwiran ang adelantado at alibugha?”

“Anak ka talaga ng putang ama!” sambit ko sabay yugyog sa balikat mo, habang isa-isang humihiga ang mga bote ng wiski.

Stop weaponizing the law. Yes to humanity. Yes to human rights!