Salin ng “Prière aux masques” ni Léopold Sédar Senghor ng Senegal
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Panalangin sa mga Maskara
Mga Maskara! O mga Maskara!
Maskarang itim, maskarang pula, mga maskarang puti at itim,
Mga maskara mula apat na panig na pinagbubughan ng Diwa,
Binabati ko kayo sa katahimikan!
Kayo ang Ninunong may ulo ng leon, at nangunguna sa lahat.
Binabantayan ninyo ang pook na ito sa naghahalakhakang babae
At lumalaylay na mga ngiti,
Pinasisingaw ninyo ang eternal na hanging sinisinghot ko
na hangin ding sininghot ng aking mga Impó.
Mga maskarang lastag ang mga mukha, hinubdan ng bawat biloy
At bawat pileges,
Na hinubog ang anyong ito sa inyong hulagway, itong mukha ko
Na napasubsob sa altar ng hungkag na pahina,
Makinig sa akin!
Agaw-buhay ang kaawa-awang prinsesa, ang Africa ng mga imperyo,
Ang aming púsod ay nakatali sa Ewropang nasusukol ng kamatayan.
Ipakò ang di-nagbabagong paningin sa inyong tinipong mga anak,
Na nagbubuwis ng búhay gaya ng pulubing ibinigay ang huling damit.
Tugunin natin ang “kasalukuyan” sa pagpapabanyuhay ng daigdig,
gaya ng lebadurang nagpapaalsa sa puting arina na naging tinapay.
Sabihin sa akin, sino pa ang makapagtuturo ng ritmo sa libingan
Ng mga baril at makina?
O makahihiyaw nang masaya sa bukang-liwayway para pukawin
Ang mga ulila at ang mga namatay?
O makapagpapasiklab muli ng gunita ng búhay sa tao
Na natupok ang natitirang pag-asa?
Tinatagurian kaming mga tao ng bulak, ng kape, ng langis.
Tinatagurian kaming mga tao ng kamatayan.
Ngunit kami ang mga tao na nangagsisisayaw,
Na ang mga paa ay tumatatag sa pagsikad sa lupang naging tigang.
Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Yes to human rights. Yes to humanity.