Parabula ni Juan Wika
Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo
Wika ang limitasyon ng ating guniguni, kaisipan, lunggati. Nililinang natin ang wika, aminin man natin o hindi, sapagkat dumadako tayo sa dulo ng ating lansangan, ang lansangang inaakala nating magbubunyag ng daigdig, ngunit ang totoo’y putol na riles, o bangkay na naglalakad ngunit pipi, ang sumasalubong sa atin. Nananaginip tayo sa wika, at ngayon, sumasarap ang pagkain dahil sa wika, tumatangkad tayo sa wika, kumikinis ang kutis sa wika, bumabango ang ating hininga sa wika, at naiiwan ang halimuyak sa ating mga damit at singit dahil sa wika. Sumisikat tayo dahil sa wika, lumalakas tayo dahil sa wika, at yumayaman tayo sa utang o pautang dahil sa wika. Makasasakay tayo sa motorsiklo o submarino dahil sa wika, at makalilipad gaya ni Darna dahil sa wika. Subalit sa oras na masalubong natin ang ibang nilalang na bigo tayong maunawaan, at tumatangging umunawa sa atin, at nagggigiit na sila lámang ang may monopolyo ng alpabeto at alpabeto ng kasarian, umuuwi tayong dungo at tulala sapagkat minsan pa’y nalinlang sa kontrata, ninakawan ng titulo ng lupa at titulo sa propesyon, o kaya’y hinahagad ng batas sa ngalan ng seguridad at kaunlaran. Sapagkat ang wika ay hindi na atin; ang wika ay nagmumula sa apat na panig at hatid ng mga banyagang simoy. Nasisinghot natin ang simoy na ito na taglay ang awiwit ng mga barkong sakay ang tone-toneladang produkto at serbisyo, armado ng tratado at negosyanteng politiko, at kung ang mga ito rin ang alagad ng wika, ang wikang ito—na kinakanaw sa ating gunam at isinusuka ng ating puso—ang magpapahiwatig ng limitasyon sa pagbubuo ng sarili at milyon-milyong sarili, tawagin man itong katutubo, tawagin man itong Filipino.