Salin ng tulang Urdu ni Faiz Ahmad Faiz ng Pakistan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo,
batay sa bersiyong Ingles ni Sain Sucha
Hayaang Maganap
Kung ang habagat ngayong araw sa hardin ng gunita
ay ibig magkalát ng mga talulot, hayaang maganap.
Kung ibig ng kirot—na tulóg sa hukay ng nakalipas—
na muling pumutók at umantak, hayaang maganap.
Bagaman umaasta kang estranghera’y ano ngayon?
Halika’t maglaan ng oras, mag-usap nang magkaharap.
Kung palaring magtagpo muli tayo, pagkaraan nito’y
magiging marubdob ang pakiramdam ng pagkawala.
Ang palitan ng ilang salita sa pagitan nating dalawa
ay magpapalawig ng kalabuan ng di-mausal na salita.
Di huhugot ng anumang pangako ang sinuman sa atin,
ni tatalakayin ang gaya ng katapatan o pang-aapi.
Kung ang aking mga mata’y lapitan ka nang may luha,
upang hugasan ang naipong alikabok ng nakaraan,
maaari kang tumugon, o piliing ganap na manahimik.
At ang mga salitang nagtutulak na umiwas ng tingin
ay maaari mong tugunin, o kaya’y ibiging palampasin.