Salin ng “Elegía para mi muerte,” ni José María Valverde ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Elehiya sa aking kamatayan
Ikaw, Kamatayan, ay nasa aking katauhan.
Lamig mo ang naghahari sa aking puso
at ikaw ang hantungan ng mga hakbang.
Saan ako patutungo, kung ang lahat ng landas
ay magwawakas sa iyong panganorin?
Ngayon ko biglang naramdamang
ang ulo’y sapupo ng mesa.
Sariwang lupa ang pumasok sa nakabuka kong bibig.
Ang katawan ko’y hinihigop ng gutóm na sahig.
. . . Oo, mamamatay ako; marahan,
malayo mula sa ginagawa ng aking búhay ngayon,
at pinananatili, sa pakikipagtuos sa kamatayan,
ang tanging akin lamang.
At nararamdaman ko ang iyong batóng
pinagyeyelo nang dahan-dahan ang aking laman.
At nadarama ko ang kamay mong bumibigkis sa akin.
. . . At pagdaka, o kamatayan, ang kabilang panig!
Iiwan ko ang katawan gaya ng sugatang kabayo.
Oo, nahihindik akong iwan ito, makabalik man ako.
Natatakot ako sa pagwawakas ng mga bagay,
sa banging tinalikdan at kalulugmukan ng lahat.
Maraming hangin ang nanunuot sa bangkay,
at upang lusawin ito’y kailangan ang libong ulan!
Ang mga paa kong napakalayo ay wala nang bigkis
at magiging gaya ng dalawang bato
na ipinukol sa hungkag na hukay.
At lahat ng aking kasama’y titindig, gusgusin, maangas,
gaya ng mga tore ng simoy
na tumitistis sa loob nang walang sinusunod na batas
ng búhay,
at mag-uunahang tangayin ang lawas kong naaagnas.
II
Maraming pag-aari ko ang magtataka sa aking paglalaho.
Na magpapatuloy sa aking kalungkutang naglalakad
sa mga sulok ng anino.
Sa paborito kong silya at mesang nasa gilid ng bintana
ay magpapatuloy ang parehong mga okasyon,
At ang hardin ng naga, na lumago sa paningin ko,
ay mamamatáy at muling mabubuhay gaya noon.
Banayad uusal ang mga tula ko sa labis na panlulumo.
Unti-unting matutuyot ang mga aklat kong
may samyo wari ng huklubang prutas.
Mga munting relikya ng aking búhay
—bulaklak na nakasipit sa aklat, isang tula kung kanino—
ang susunod, gaya ng mga batong ipinukol,
at pawang sisinop ng aking lakas sa daigdig na ito
kapag ganap na naglaho na ako.
. . . At mananatili kayo, mga babae, ngunit isang araw
ay magsisialisan din ngunit sa dagat ng kamatayan
ay matatagpuan ang ating mga alon.
Maglalaho ang inyong mga labì, balát, at lamán.
Ngunit palaging mananatili kayo gaya noong dati.
Hindi ba sapat ang pag-iral sa isang pagkakataon lámang?
Mananatili ang inyong mga puwang sa haba ng espasyo,
samantalang tatangayin ng dayaray ang inyong halimuyak.
. . . Isang araw iyon na pipirmi ang inyong pag-iral.
III.
Ginoo, Ginoo, ang kamatayan!
Napapangiwi ako kapag binigkas ito,
kaypait ng aking dila, at kaydilim ng paningin. . .
Mabuti’t walang nakakikita sa kaniya nang harap-harapan
maliban kung hinahanap niya tayo.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Katulad lamang ito ng panaginip.
Higit na makapangyarihan ang kamatayan sa ating hukbo.
Kung mahina ka lamang!
Kung hindi ka tumawid sa bangin ng iyong mga yakap. . . !
Ngunit walang silbi ang anuman; natatakot ako!
Aso akong bahag ang buntot sa tabi ng isang tao,
dahil hindi kailanman mauunawaan ang nais ng amo!
Tákot ito sa di-mababatid,
tákot sa bayang wala ni isang nakababalik. . .
Natatakot ako sa gayong hungkag na hukay,
sa walang hanggahang gabi, kahit nasa likod ang Diyos!
Taglay ang malakas, madilim na kutob
ng hayop, ng punongkahoy, ng bato,
natatakot akong mamatay. . .
O, Ginoo, pamanhirin ang aking kamatayan
gaya sa maraming pinaggagawa mo sa buhay.