Hulát
(para kay IMA)
Roberto T. Añonuevo
Pantalan ba ito na nag-aabang ng barko
na kung hindi hinalihaw ng tribunada’t bagyo
ay dinakip ng lungkot ang mga tripulante?
Tatanawin ko ito nang walang pagkapagod,
na tila dayaray na naglalagos sa baláy.
Sapagkat ang pagsubaybay ay mga alon
na dumarating at lumalayo nang paulit-ulit—
isang ritwal na tigmak sa pag-asa’t pananabik,
at ikaw ang hulagway na aahon sa guniguni.
Ang oras ang tumatayog na bundok ng inip,
at ang espasyo sa puso ay lalong lumalamig.
Ngunit darating ka, gaya ng isang dalubhasa
sa ahedres na nagsusulong matapos magbúlay
at pigain ang posibilidad ng hakbang at pasiya.
Mauuna marahil ang iyong mga liham at tula
na tumatawid sa maaliwalas na himpapawid.
Susunod ang iyong mga pangarap na nakaipit
sa kuwardernong gulanit, at ang isang pabatid,
nagmula man sa hari o hukom o hunghang.
Matutulog ako para kita makita. Matutulog ako,
at ikaw ang pupukaw sa daigdig kong giniginaw.