Salin ng “Do not stare at me,” ni Martin Carter ng Guyana
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Huwag akong titigan
Huwag akong titigan mula sa iyong bintana, binibini,
huwag akong titigan at pagtakhan kung saan nagmula.
Isinilang ako’t gumulang sa lungsod na ito, binibini.
Naririnig ko ang mga kuliglig tuwing alas-seis ng gabi
at ang nakabubulahaw na tilaok ng manok sa umaga
kapag ang mga kamay mo’y ginugusot ang kobrekama
at ang magdamag ay nakabilibid sa loob ng aparador.
Hitik na hitik sa mga pileges ang aking mga kamay
gaya ng dibdib mong namumutok ang ugat, binibini. . .
Huwag akong titigan at pagtakhan kung saan nanggaling,
ang mga kamay ko’y bumibigat sa mga pileges,
gaya ng dibdib mong hitik sa mga ugat, binibini—
Dapat kumalinga ang isa’t sumuso ng buhay ang isa. . .
Huwag akong titigan mula sa iyong bintana, binibini.
Titigan mo nang lubos ang bagon ng mga bilanggo!
Titigan ang karo ng patay na nagdaraan sa tarangkahan!
Titigan ang mga pook-maralita sa timog ng lungsod!
Titigan nang mariin, at isipin, binibini, kung saan
ako nagmula, at kung saan papalaring mapapadpád!
Hitik na hitik sa mga pileges ang aking mga kamao,
gaya ng mga súso mong namumurok sa ugat, binibini,
at dapat kumalinga ang isa, at sumúso ng búhay ang isa.