Salin ng “Archeology,” ni W. H. Auden ng UK at USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Arkeolohiya
Ang pála ng arkeologo
ay pumapaloob sa mga kanlungang
binakante noon pa man,
humuhukay ng ebidensiya
ng mga pamumuhay na hindi
pangangaraping pangunahan ngayon,
hinggil sa salát nitong masasabi
na kaniyang mapatutunayan:
Ang suwerteng tao!
May mga layon ang karunungan
ngunit ang paghahaka-haka’y laging
nakasisiya kaysa pag-alam.
Hindi natin nauunawang ang Tao,
mula man sa tákot o pagmamahal,
ay malimit nagbabaón ng Kaniyang patay.
Anumang nakawarat sa lungsod,
paghagulgol ng bulkan,
paghuhuramentado ng daluyong,
o pagkamkam sa mga tao,
nang sabik sa mga alipin at tagumpay,
ay mababanaag na tatak,
at nakatitiyak tayo riyan, na sa oras
maitatag ang mga palasyo,
ang mga pinuno nito,
bagaman hayok na hayok kumantot
at tumalam sa mga papuri,
ay kailangang malimit maghikab.
Ngunit ang mga kamalig ba’y
naghihiwatig ng taon ng taggutom?
Kapag nawalang-saysay ang barya,
dapat ba nating hakain
ang ilang matitinding sakuna?
Marahil. Marahil.
Mula sa mga murál at estatwa’y
nababanaag natin kung ano
ang nagpaluhod sa Mga Sinauna,
ngunit mabibigong pagtakpan
ang mga kalagayang nagpamulá sa mukha
nila, o nagpakibit-balikat sa kanila.
Tinuruan tayo ng mga makata ng mga mito
nila, ngunit paanong nagawa Nila iyon?
Iyan ang palaisipan.
Nang makarinig ng kulog ang mga Nórdiko,
matiim ba nilang pinaniwalaang
may minamáso si Thor?
Hindi, sa aking palagay: Susumpa akong
ang mga tao’y madalas magkanlong sa mito
na gaya ng Kagila-gilalas na Kuwento,
na ang tunay nitong layon
ay maghayag ng mga palusot
para sa mga isinasagawang ritwal.
Tanging sa mga seremonya
maiwawaksi ang ating mga kakatwaan
at doon ganap magiging buo.
Hindi lahat ng seremonya
ay karapat-dapat kaluguran:
Ang ilan ay kasuklam-suklam.
Wala nang iibigin pa ang ipinakò
sa krus kung hindi ang pagkatay
na makapagpapagaan sa Kaniya.
KODA:
Mula sa Arkeolohiya’y
mahuhugot ang isang liksiyon,
gaya sa sumusunod, na lahat ng ating
teksbuk sa paaralan ay nagsisinungaling.
Hindi maipagyayabang ang tinatawag
nitong Kasaysayan,
na nililikha, nang parehong-pareho
ng kriminal na nasa ating lahat:
Walang hanggan ang kabutihan.
Agosto 1973