Salin ng “Mittelbergheim,” ni Czeslaw Milosz ng Poland at Lithuania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Mittelbergheim
Nahihimbing ang alak sa bari-bariles na roble ng Rhine.
Pinukaw ako ng batingaw ng kapilya sa ubasan
Ng Mittelbergheim. Nauulinig ko ang lagitik ng bukál
Na pumapatak sa balón sa bakuran, ang takatak
Ng mga bakya sa lansangan. Nakabilad ang mga tabako
Na nakasabit sa badungan; at ang mga araro’t kariton
At dalisdis ng bundok at taglagas ay nasa aking piling.
Pumikit ako. Huwag mo akong madaliin, o, apoy, lakas,
Gahum, dahil kay-aga pa. Namuhay ako nang maraming
Taon, at sa gaya nitong pananagimpan, ramdam kong
naaabot ang gumagalaw na hanggahan, na nakahihigit
sa kulay at tunog na magiging totoo, at ang mga bagay
sa daigdig na ito ay nagtutugma’t nagkakaisa-isa.
Huwag mo akong piliting buksan ang aking bibig.
Magtiwala at manalig na maisasakatuparan ang gawa.
Hayaan akong magpagala-gala dito sa Mittelbergheim.
Batid kong dapat gawin iyon. Kapiling ko ang taglagas
At mga kariton at ang mga tabako ay pawang nakabitin
Sa bandungan. Dito at saanman lumingon ay bayan ko,
Kahit saan pumihit, at anumang wikang aking naririnig
Ay awit ng paslit at huntahan ng mga magsing-irog.
Higit akong masaya ihambing man sa iba’t nasasagap
Ang sulyap, ang ngiti, ang bituin, ang sutlang kumulot
Sa tuhod. Panatag ako’t nagmamasid habang tinatahak
Ang mga buról na banayad na sinisinagan ng araw
Na nasa ibabaw ng tubigan, lungsod, kalye, kaugalian.