Sapagkat bumubukad ang madaling-araw, ni Merle Collins

Salin ng “Because the dawn breaks,” ni Merle Collins ng Grenada
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sapagkat bumubukad ang madaling-araw

Nagsasalita kami sapagkat
Kapag bumuhos ang ulan sa kabundukan
Ay marahang lumalaki’t umaapaw ang ilog
At ilang sandali pa’y bubulusok ang agos
Sa mga tipak na bato
Nang lampas sa mga lansangan,
Paguguhuin ang mga tulay
Na maggigiit ng taglay nitong kapangyarihan
Laban sa rumaragasang lakas
Nagsasalita kami dahil kami’y nangangarap

Nagwiwika kami para sa parehong katwiran
Na ang kulog ay nakasisindak sa bata
Na nakayayanig sa punongkahoy ang kidlat

Hindi kami umiimik upang suwayin ang panuto
O upang baligtarin ang inyong mga plano
O pabagsakin ang inyong mga Tore ng Babel
Sa kabila ng katotohanang ginagawa namin ito

Nagwiwika kami dahil kami’y nangangarap
At ang aming mga pangarap ay hindi  maipipiit
Sa kural ng baboy sa kanino mang bakuran
Hindi para sumalo ng mga mumo sa mga mesa
Hindi para gumapang nang walang hanggan
Sa walang katapusang linya ng mga langgam
Upang lumihis palayo sa isang biglang liko
Kapag ang paa ng elepante’y biglang lumagapak
Hindi para umurong at tumakbo palayo
Kapag ang malansang simoy ng kamatayan
Ay nakasusulasok na sa aming mga pandama
Hindi para makibaka nang walang katapusan
Upang gagapin ang hulagway ng inyong mga diyos
Sa loob ng aming likha

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.