Kahit magunaw ang bundok, ni Jacques Dupin

Salin ng “Même si la montagne,” ni Jacques Dupin ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kahit na magunaw ang bundok

1
. . . . . .Kahit na magunaw ang bundok, at magpatayan ang mga nakaligtas . . .
Matulog, pastol. Hindi mahalaga kung saan. Matatagpuan kita. Katumbas
ng pagtulog mo ang pagtulog ko. Nanginginain ng damo sa dalisdis
ang kawan. Sa matarik na dalisdis ay nanginginain ang kawan ng hayop.

2
. . . . . .Sa labas, pumalit ang imbakan ng patay sa kama ng ilog na tinabunan ng lupa.
Ang bato, na nahubdan ng mga dahon, ang kapatid ng matalik na ulap.
Nauuna sa hula ang pangyayari, dinadagit ng ibon ang kapuwa ibon. Sa loob,
sa ilalim ng lupa, nagsisimula pa lamang maghasà ang aking mga kamay.

3
. . . . . .Nakasisindak ang nakikita ko ngunit walang imik. Ang winiwika ko,
ngunit lingid sa akin, ang nagpapalaya sa akin. Ang hindi nagpapalaya sa akin.
Sapat ba ang lahat ng gabi ko para lusawin itong sumasabog na liwanag?
O di-natitinag na mukhang nakikita, hinambalos ng bulag na puting hangin!

4
. . . . . .Tumatanggi sa aking tali ang bungkos. Sa ganitong infinito, unanimong
disonansiya, bawat búsal ng mais, bawat patak ng dugo, ay nagsasalita sa wika
nito at lumilisan. Ang sulô, na tumatanglaw sa bangin, at nagsasara rito,
ay siya ring bangin.

5
. . . . . .Itinihaya mo ang sudsod nang malasing, napagkamalang talà ang lipyà,
at sumang-ayon sa iyo ang lupa.
. . . . . .Matataas na ang talahib at hindi ko na alam kung naglalakad ako, hindi ko
alam kung buháy pa ako.
. . . . . .Mababang uri ba ang nangitim na lampara?

6
. . . . . .Di-maliparang uwak ang batuhang parang, gaya nitong di-makayang ligaya
na nagbibigkis sa atin, at hindi natin kahawig. Iyo ako. Nauunawaan mo ako.
Ang init na bumubulag sa atin . . .
. . . . . .Hinihintay tayo ng gabi’t pinasasaya, at muli nating bibiguin ang pag-aasam
nito upang magampanan niyon ang pagiging gabi.

7
. . . . . .Kapag imposible ang lumakad, nadudurog ang paa, hindi ang landas.
Nalinlang ka. Payak ang liwanag. At malapit ang buról. Kung sakali’t magkamali
akong kumatok sa pinto mo ngayong gabi, huwag magbukás. Huwag buksan ang pinto. Ang paglalaho ng mukha mo ang aking karimlan.

8
. . . . . .Upang maakyat ka, at naakyat kita—kapag ang liwanag ay hindi nasusuhayan
ng mga salita, kapag sumuray ito’t bumagsak—aakyatin ka muli. Panibagong
tuktok, panibagong mina.
. . . . . .Mula nang tumanda ang aking takot, kinailangan ako ng bundok. Kinailangan
nito ang aking mga bitak, ang aking mga bigkis, ang aking hakbang.

9
. . . . . .Paglalamay sa ituktok. Ang pagtangging bumaba. Ang hindi na manahimik.
Hindi libog o pagsukob. Ang pagdating at pag-alis nang ganap nasisilayan,
sa loob ng kumikitid na puwang, ay sapat na. Ang paglalamay sa ituktok
na hindi ko mapapasok. Ngunit palaging tinitingnan pababa. At hinahatak palapit.
Kaligayahan. Di-mawawasak na kaligayahan.

Ang Arina, ni Gabriela Mistral

Salin ng “La Harina,” ni Gabriela Mistral ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Arina

Maningning, makinis, at mabigat ang arina.

. . . . . .Malinaw na arina mula sa bigas, na kumakaluskos gaya ng pinong seda; ang tinaguriang gawgaw, na kasingsariwa ng tubig mula sa niyebe at nagpapabawa ng pasò. Mula sa abang patatas, ang arina ay kasingdulas ng pilak. Anung kinis ng arina!

. . . . . .Arinang siksik, na gawa mula sa pighati ng mga butil ng bigas o senteno, ay kasimbigat ng luad, ang luad na kusang makalilikha ng landas ng gatas para sa mga nilalang na walang kasalanang orihinal.

. . . . . .Arinang makinis, na tahimik na dumadausdos kaysa tubig, ay makatatakip sa hubad na bata nang hindi siya mapupukaw.

. . . . . .Maningning, makinis, at mabigat ang arina.

. . . . . .Arina ng ina, tunay na kapatid ng gatas, na babaeng nasa rurok ng kaganapan, burgis na ilaw ng tahanan na puti ang buhok at súsong mapipintog; matatandaan niya ang oyayi kapag inihimig mo sa kaniya; nauunawaan niya ang lahat ng bagay hinggil sa pagkababae.

. . . . . .Iniwan nang mag-isa sa daigdig na ito, pasususuhin niya sa kaniyang bilugang mga suso ang planeta.

. . . . . .Mapagbabanyuhay niya ang sarili na maging bundok ng gatas, ang mapagpalang bundok na kinatitisuran nang paulit-ulit ng mga bata.

. . . . . .Ang inang arina ay isa ring batang eternal, na idinuduyan sa mga bukirin ng palay, ang munting paslit na pinaglalaruan ng simoy nang hindi siya nakikita, at humahaplos sa kaniyang mukha nang hindi napapansin.

. . . . . .Arinang malinaw. Maiwawagwag ito sa aba, itim, sinaunang lupa, at gaganti siya sa pagbibigay ng malawak na bukirin ng margarita, o kaya’y sasaplutan iyon sa elada.

. . . . . .Maningning, makinis, at mabigat ang arina.

. . . . . .Kung maglalakad siya, walang makaririnig sa yabag ng kaniyang mabulak na paa na bumabaon sa lupa; kung sasayaw siya, babagsak ang kaniyang namimigat na mga kamay; kung ibig niyang umawit, ang awit ay babará sa kaniyang makapal na lalamunan. Ngunit hindi siya naglalakad o sumasayaw o umaawit. Kung ibig niyang magkapangalan, kailangang umimbento tayo ng ngalan para sa kaniya na nagtataglay ng tatlong B, o tatlong malalambot na M.

Tunog ng Ulan, ni Chu Yohan

Salin ng tula ni Chu Yohan ng Korea
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tunog ng Ulan

Umuulan.
Marahang ibinukad ng gabi ang pakpak nito,
At bumulong ang ulan sa bakuran
Gaya ng mga sisiw na lihim na sumisiyap.

Gahibla na ang buwang patunaw,
At bumuga-buga ang maligamgam na simoy
Na tila aagos ang bukál mula sa mga bituin.
Ngunit umuulan ngayon sa gabing madilim.

Umuulan.
Gaya ng mabait na panauhin ang pag-ulan.
Binuksan ko ang bintana upang batiin ito
Ngunit palihim na bulong ang natak na ulan.

Umuulan
Sa bakuran, sa labas ng bintana, sa bubóng.
Itinatanim sa aking puso ang masayang
Balitang nalilingid sa lahat: umuulan-ulan!

Hinhin at Sining

Salin ng sinaunang tula sa Sanskrit ni Kṣitīśa ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pulang Marka

Kailan makikita ang mapagparaya niyang mga hita,
na ikinubli nang mahigpit sa labis na kahinhinan,
ngunit bumubuka kapag napukaw ng pagnanasa
na magbubunyag, kapag nalaglag ang suot na seda,
ng mga pinong lilang marka ng aking mga kukong
tulad ng pulang selyong lagda sa lihim na yaman?

Salin ng sinaunang tula sa Sanskrit ni Māgha ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sining ng Pagtula

Pinakakain ba ng gramatika ang nagugutom?
Tinitighaw ba ng nektar ng tula ang nauuhaw?
Hindi makabubuhay ng pamilya ang pagsisid
sa mga lihim na karunungan ng mga aklat.
Magpakayaman ka’t ang sining ay iyong iwan.

Sonámbulo at Panggabing Ritwal, ni Yannis Ritsos

Salin ng dalawang tula ni Yannis Ritsos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Sonámbulo at ang Ibang Tao

Hindi siya makatulog sa buong magdamag. Sinundan
niya ang mga yabag ng sonámbulong nasa ibabaw ng bubóng.
Umaalingawngaw ang bawat hakbang nang eternal
sa angkin nitong kahungkagan, mabigat at ibinalot wari
sa kung anong saplot. Tumindig siya sa gilid ng bintana,
naghintay para saluhin sakali’t mahulog ang tinitingala.
Ngunit paano kung mahila siya pababâ sa pagbagsak?
Isang anino ng ibon sa pader? Bituin? Siya? Mga kamay niya?

Narinig ang lagabog sa sementadong daan. Madaling-araw.
Nagbukás ang mga bintana. Kumaripas ang magkakapitbahay.
Ang sonámbulo ay tumakbo pababa sa ligtasan kung may sunog,
upang silipin kung sino kayâ ang nahulog mula sa bintana.

Panggabing Ritwal

Kinitil nila ang tandang, ang púnay, ang kambing. Ipinahid
nila ang sumirit na dugo sa kanilang balikat, leeg, mukha.
Humarap ang isa sa dingding at pinahiran ng dugo ang uten.
Pagdaka’y tatlong babaeng nasa sulok at may puting lambong
ang gumibik na waring pinapaslang. Ang mga lalaki—
na nagtaingang-kawali—ay iginuhit sa sahig sa pamamagitan
ng yeso ang mahahabang sawá at sinaunang mga palaso.
Sa labas, lumagabog ang mga tambol na yumanig sa buong
pamayanan.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Yes to Filipino. Yes to human rights. Yes to humanity!

Ang Batas, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Batas

Roberto T. Añonuevo

1
Naiisip ito gaya ng paghinga, at nakakaligtaan
nang hindi napapansin ang simoy
. . . . . . . . . . . . . . . . . .na tulad ng nakababatong aklat.

Ituturing din itong panutong sugat at mga ugat
ng kasaysayan,
na binabago pana-panahon, alinsunod sa layaw
o pangangailangan,
nang taglay ang prinsipyo ng ilong at sikmura
na magsisimula sa tumbasan ng diwa at kataga.

2
Sa semiyotika ng mga kulay, lungti ang kilusan
sa taggutom,
dilaw ang kalusan ng mga epidemya’t disaster,
at pula ang katipunan ng bayani’t kalansay.

Ngunit bahaghari ang mga duwag at taksil—
na nagbebenta ng lupa at tubigan sa mga dayo.

3
Sumusunod, at susunod at susunod tayo—
sa ayaw man at sa gusto—
sa patakaran ng biláng na mga hakbang,
sa kautusan ng tinig na katók sa ataul,
sa patnubay ng bagong diwang popular
na sapin-sapin ang kahanga-hangang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . .kabulaanan
dahil naaakit sa “Mabuhay! Tuloy po kayo!”

4
Ang padron ng gunita ang mito ng mga bathala
na ngayon ay pangulo at búkas ay magiging ulo
ng litson
para sa publikong sabik sa pelikulang bakbakan.

5
Kolektibong watawat na sumasayaw sa himig
na sinasalungat ng pinakamataas na luklukan,
ano ang karapatan sa parada ng mga bilanggo?

Wala, ngunit matigas ang mga ulo at burat
hanggang humaba ang prusisyon ng mga ulila.

6
Ang piskal na kabit ng pulis sa ilalim ng tulay
ay tulay din sa abogado’t hukom na takót sa sabon
sapagkat tumatanggap ng suhol sa laboratoryo
ng damo at kubeta.

O iyan ay guniguni lamang ng heneral na bato
at pangulong batong-bato sa kalabang politiko.

7
Merkado ng sabong, palengke ng mga gusali,
at listahan ng buwis mulang lupa hanggang ulap:
lumalakad ang mga tao
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .at lumalakad ang oras
ngunit ang enerhiya ay bateryang titigok-tigok
sa madilim na espasyo
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng Palasyo ng Malabanan.

8
Ang bigas ang timbangan sa adwana at agahan,
inaabangan ng mga maya,
at sampu-sampera ang palay ng mga magsasaka.

Sa malayo, ang balyan ay lastag, tigmak, giniginaw.

9
Talaksan ng teksbuk sa mesa kung tayo’y mag-isip,
ngunit ang isip ba ay isip na talagang ginagamit?

Dumarating ang superbagyo nang walang pasabi,
kung ang bagyo ay pagtutol na hindi masabi-sabi:

kay-bagal man ng trapik ng sasakyan at mensahe.

Umaga at Gabi, ni Yannis Ritsos

Salin ng dalawang tula ni Yannis Ritsos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Umaga

Binuksan niya ang persiyana. Isinampay niya ang kumot sa pasamano.
Nasilayan niya ang araw.
Isang ibon ang tumingin nang tuwid sa mga mata niya. “Nag-iisa ako,”
aniya.
“Buháy ako.” Pumasok ang babae sa silid. Ang salamin ay bintana rin.
Kapag tumalon ako mula rito’y babagsak ako sa aking mga bisig.

Isang Gabi

Ipininid nang kung ilang taon ang mansiyon,
na unti-unting naagnas ang bakod, kandado’t balkonahe;
Hanggang isang gabi,
ang buong ikalawang palapag ay biglang nagliwanag.
Ang walong bintana nito’y dumilat, ang dalawang pinto
ng balkonahe’y nabuksan at ni walang kortina.

Napahinto ang ilang saksing naglalakad at napatingala.
Tahimik. Wala ni kaluluwa. Nagningning ang bakuran.
Maliban sa antigong salamin—na nakasandal sa dingding—
na may mabibigat na moldurang inukit sa kamagong,
sinasalamin ang nabubulok, nakangangang sahig
na nagbubunyag ng kahanga-hangang lihim ng kailaliman.

Ang Kahungkagan, ni G.M. Muktibodh

Salin ng tula sa wikang Hindi ni G.M. Muktibodh                                                    (Gajanan Madhav Muktibodh) ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo,                          batay sa bersiyon ni Vinay Dharwadker

Ang Kahungkagan

May mga pangá ang kahungkagan sa kalooban,
mga pangáng taglay ang karniborong mga ngipin;
mga ngiping ngangasab, ngangata sa iyo,
mga ngiping ngangata sa iba pang tao. Kalikasan
ng tao na danasin ang taggutom sa kalooban,
na malimit na nagngangalít,
at ang karimlang papasók sa lalamunan nito
ay may sanaw na umaapaw sa dugo.
Anung sukdol itim ng kahungkagan,
barbariko, lastag, isinumpa, binusabos,
at lubos na magbuhos ng isip sa ginagawa.
Ipinakalat ko iyon, ipinamigay sa ibang tao,
nang taglay ang mga nag-aapoy na salita at gawa.
Ang mga tao na masasalubong ko saanmang dako
ay matatagpuan ang kahungkagang ito
mula sa mga sugat na inilatay ko sa kanila.
Palalaguin nila iyon, palalaganapin kung saan-saan
para sa iba pang tao,
at magpapalaki ng mga sanggol ng kahungkagan.
Napakatibay ang kahungkagan
at napakayamang bukirin. Kung saan-saan ito
nagpapasupling ng mga lagari, patalim, at karit
at nanganganak ng mga karniborong pangil.
Ito ang dahilan kung bakit saan ka man pumaling
ay may nagsasayawan, naghihiyawan sa galak—
Ang kamatayan ay nagsisilang ngayon ng bagong
mga anak.
Saanmang panig ay may mga talibang lagari wari
ang mga ngipin, at armado ng labis na pagkakamali:
Mariin, matiim silang tinititigan ng daigdig
na maglalakad habang pinagkikiskís ang mga palad.

Ang Pamilihan, ni Oktay Rifat

Salin ng “Pazar,” ni Oktay Rifat (Oktay Rifat Horozcu) ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Pamilihan

Kawangis nila ang mga barbarong bathala,
na pawang marubdob, tahimik, at maringal,
suot ang itim na damit at nakagora,
balbasin, at maluwag ang tabas ng pantalon,
yari sa goma ng mga gulóng ang sapatos,
nagtatanghal ng mga kilím na may mga usá,
naglalatag ng mga telang búlak na may pintá,
at háin ang mga piraso ng keso, kamatis, at ígos
na nasa gitna ng kanilang nakangangáng bákol.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Yes to human rights. Yes to humanity!