Ang Kahungkagan, ni G.M. Muktibodh

Salin ng tula sa wikang Hindi ni G.M. Muktibodh                                                    (Gajanan Madhav Muktibodh) ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo,                          batay sa bersiyon ni Vinay Dharwadker

Ang Kahungkagan

May mga pangá ang kahungkagan sa kalooban,
mga pangáng taglay ang karniborong mga ngipin;
mga ngiping ngangasab, ngangata sa iyo,
mga ngiping ngangata sa iba pang tao. Kalikasan
ng tao na danasin ang taggutom sa kalooban,
na malimit na nagngangalít,
at ang karimlang papasók sa lalamunan nito
ay may sanaw na umaapaw sa dugo.
Anung sukdol itim ng kahungkagan,
barbariko, lastag, isinumpa, binusabos,
at lubos na magbuhos ng isip sa ginagawa.
Ipinakalat ko iyon, ipinamigay sa ibang tao,
nang taglay ang mga nag-aapoy na salita at gawa.
Ang mga tao na masasalubong ko saanmang dako
ay matatagpuan ang kahungkagang ito
mula sa mga sugat na inilatay ko sa kanila.
Palalaguin nila iyon, palalaganapin kung saan-saan
para sa iba pang tao,
at magpapalaki ng mga sanggol ng kahungkagan.
Napakatibay ang kahungkagan
at napakayamang bukirin. Kung saan-saan ito
nagpapasupling ng mga lagari, patalim, at karit
at nanganganak ng mga karniborong pangil.
Ito ang dahilan kung bakit saan ka man pumaling
ay may nagsasayawan, naghihiyawan sa galak—
Ang kamatayan ay nagsisilang ngayon ng bagong
mga anak.
Saanmang panig ay may mga talibang lagari wari
ang mga ngipin, at armado ng labis na pagkakamali:
Mariin, matiim silang tinititigan ng daigdig
na maglalakad habang pinagkikiskís ang mga palad.