Hiwaga ng Langit, ni Max Jacob

Salin ng “Mystère du ciel,” ni Max Jacob ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Hiwaga ng Langit

Pagkauwi ko mula sa sayawan, napaupo ako sa pasamano ng bintana at pinagnilayan ang langit: ang mga ulap ay wari bang malalaking ulo ng mga huklubang lalaking nakaupo sa tabi ng mesa at isang puting ibon na may maririkit na balahibo ang dinala sa kanila. Tumawid sa himpapawid ang dambuhalang ilog. Isa sa matatandang lalaki ay tumitig sa akin. Magsasalita na lámang siya nang biglang mawalan ng gana, at naiwan ang mga dalisay na bituing kumikislap-kislap.

Aklat, ni Roberto T. Añonuevo

Aklat

Roberto T. Añonuevo

Kinasisindakan itong buksan at gaya ng kahon
Ay makapáglalamán ng sumpâ, sálot, sakít ng ulo.

Higit nilang pipiliin ang kanilang bagong selfon,
Sapagkat ang daigdig ay nasa dulo ng daliri.

Idadahilan nilang lumalabò ang kanilang mata
Sa mga titik, at inaantok sa oras na maglandas

Sa mga pangungusap at salitang nangungusap
Sa kanilang mag-isip at gamitin ang guniguni.

Napakabigat ng bawat pahina, katumbas wari
Ng isang tonelada na tatabon sa katamaran.

Maikli ang kanilang pasensiya para mag-aksaya
Ng oras sa kung sinong klasikong gagong awtor.

Ngunit gising sila sa buong magdamag, katabi’t
Kuyom ang midyum ng banidad at impormasyon.

Hindi ba nakapagbabasá rin sila sa munting iskrin
At ang salamin ay kulay at tunog at salát ng sarili?

Hindi nila pipiliing magpatumba ng punongkahoy
Para sa papel ng aklat na kung hindi nakababato’y

Nakapagpapasikip ng aklatan para sa mga kulisap
At alabok na pumapasok sa kanilang puso o utak.

Pumipikit sila kapag nakaharap ang tunay na aklat.
At magbabasá lámang para sabihing intelektuwal

Na nakaupo sa inidoro, at letrado ng mga negosyo.
Balewala sa kanila ang henyo ng nauupos na wika.

Ano kung laos si Gutenberg at pumalit si Zuckerberg?
Ang aklat ng karunungan ay aklat din ng katangahan

Na ikakatwiran nilang malinaw na pagsisinungaling,
dahil sila ang maiiwan sa isang kahon ng pag-asa.

Ang Tao na Nagsasalita sa Dilim, ni João Cabral de Melo Neto

Salin ng “Homem falando no escuro,” ni João Cabral de Melo Neto          ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Tao na Nagsasalita sa Dilim

Malalim at napakatahimik na pagninilay
ang nakapaloob sa gabing nasa piling;
sa loob ng gabi, sa loob ng pangarap na iisa ang espasyo at katahimikan.

Kislot ang pumukaw sa simula, na may pagaspas ng mga pakpak
na pawang bagwis ng kamatayan.
Tila ako nananaginip nang gising sa lahat ng sandali ng bawat araw.

Hindi ko alintanang sumulat ng taludtod ngunit sabay nating pinalalaya
ang mga sarili sa bawat tula.
Hindi magtatagal at hindi na sa atin ang isinulat, at wala nang matitira
sa iyo para sa naghihiyawang lungsod.

Tanging mga pangarap natin ang mahalaga ngayong gabi.
Kapuwa natin niyuyugyog ang katahimikan.
Sinasabing bahâ ang tanging kailangan, ngunit ni walang talàng lumitaw.

Walang lagusan ang aking katawan, ni Maria Shkapskaya

Salin ng “Было тело моё без входа,” ni Maria Shkapskaya ng Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Walang lagusan ang aking katawan

Walang lagusan ang aking katawan, ngunit
nakalapnos sa akin ang itim na usok:
Yumukod siya’t lumukob sa katawan ko—
ang sungayang kaaway ng sangkatauhan.

Pumikit ako’t nilimot ang angking dangal.
Ibinukás sa kaniya’y buong loob ko
upang ang pusón ko’y magkabinhi’t umumbok
at isilang ang anak kong kaibig-ibig.

Sagradong Erotika, ni Amaru

Salin ng dalawang klasikong tula sa wikang Sanskrit ni Amaru
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo,
batay sa bersiyong Ingles ni R. Parthasarathy

Sino ang mananawagan sa mga bathala?

Nagsalabid ang mga buhok, umalog-alog ang mga hikaw,
sakâ nilusaw ng mga pawis ang marka sa noo, ang babaeng
marikit ay ano’t hindi napigil ang mga matang mapatirik
dulot ng luwalhati nang sakyan ang kaniyang mangingibig.
Matagal pa bago ipagsanggalan ka ng kaniyang hulagway.
Brahmā, Viṣhṇu, at Śhiva—Sino ang mananawagan pa ngayon
sa mga bathala?

Laksang Pag-iwas

Nang humarap ako sa kaniya at mukha niya’y nakita
paiwas akong tumungó’t tumitig sa aking mga paa.
Nang nasabik ang mga tainga kong makinig sa kaniya, nagtukop ako.
Nang mamulá ang mga pisngi kong namamawis, tinakpan ko iyon
ng aking mga palad.
Ngunit ano ang magagawa ko, o aking mga kaibigan,
nang ang mga tahî ng aking kasuotan
ay natastas, at napunit ang hablón sa landas ng laksang pag-iwas?

Alagad ng Sining, ni Seamus Heaney

Salin ng “An Artist,” ni Seamus Heaney ng Ireland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Alagad ng Sining

Naiibigan ko ang diwa ng kaniyang gálit.
Ang pagmamatigas laban sa bato, ang paggigiit
ng sustansiya mula sa mga lungting mansanas.

Ang paraang siya ay waring ásong tumatahol
sa hulagway ng sariling siya rin ang tumatahol.
At ang pagkapoot sa sariling pagyapos
sa umaandar na tila iyon lang ang gumagana—
ang kagaspangan ng paghihintay na patuloy
ang utang na loob o paghanga, na katumbas
ng pagnanakaw sa anumang pag-aari niya.

Ang paraang namuo’t nanatili ang tibay ng loob
dahil isinagawa niya kung ano ang nasa utak.
Tila bolang bakal na ipinukol ang kaniyang noo
na naglalakbay sa di-nakukulayang espasyo
sa likod ng mansanas at sa likod ng bundok.

Ako, ni Roberto T. Añonuevo

Ako

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Buhawì sa láot ang naípapások sa hungkág na kahón—na kapág ibinálot sa hablón ay malayàng isíping regálo kung kaníno. At ang kahón ay kusàng maghuhúnos na alupíhang-dágat, na untî-untîng hihimbíng kapág tinamàan ng sínag at magkákapakpák sa panagínip úpang isakátupáran ang pagigíng paruparó. Lilípad ang paruparó at darapò sa áking balíkat. Putîng gamugamó na palamutîng panaúhin sa kayumanggîng balát, anó ang pangálan ng ginháwa na hatíd mo? At ang áking balíkat, na tawágin mang tátay o bána, ay tutugón sa paglápad hanggáng lumayláy o dumupók dáhil sa bigát ng pinapásang daigdíg, at ang daigdíg na itó na húgis parisukát ay mágbabalík sa guniguníng kahón, at matitigmák sa di-inaasáhang ulán hanggáng malúsaw at magbanyúhay na símoy na kung hindî tuliróng ipuípo ngayón ay mag-iípon ng lakás búkas hanggáng magíng ganáp na bagyó na maglalahò sa tatlóng áraw—tawagin man itóng talangkâ, tiniklíng, tanagà.