Limang Klasikong Haiku

Musika

Basho

Nulan ng rosal;
ang bundok ay talulot
sa ritmong talón.

Alaala

Tairo

Galit si ama;
pitas kong gumamela’y
fatek sa isip.

Bagong buhay

Shiki

Guho ng baláy,
ngayon ay punong peras.
Bakás ng digma.

Pag-iral

Buson

Nita ko’y kidlat
sa kawayanan; tatlong
hamog ang natak.

Wakas

Issa

Lungkot ng mundo
ang lagas na bulaklak—
kawangis natin.

 

Kapag dumupok ang gunita, ni Ismail Kadare

Salin ng “Edhe kur kujtesa,” ni Ismail Kadare ng Albania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kapag dumupok ang gunita

At kapag ang aking dumurupok na gunita,
Na tulad ng pangmagdamagang trambiya,
ay huminto sa mga pangunahing estasyon,
asahan mong hindi kita malilimot.

Matatandaan ko
Ang tahimik na gabi, na eternal sa iyong mata,
Ang mga sikil na hikbi sa aking balikat,
Gaya ng niyebeng hindi mapalis nang ganap.

Sumapit noon ang paghihiwalay
At lumisan ako palayo sa piling mo.
Wala namang kakatwa, ngunit may ilang gabing
Sinusuklay ng mga daliri ang iyong buhok—
Ang mga daliri kong nagmula pa sa ibayo’t
humahaba nang milya-milya tungo sa iyo.

Ani ng mga Pag-asa, ni Faiz Ahmed Faiz

Salin ng tula sa Urdu ni Faiz Ahmed Faiz ng Pakistan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ani ng mga Pag-asa

Tinabas ko ang lahat ng sugatang halaman,
kayâ tighawin mo ang úhaw ng mga ito
habang naghihingalo.
Bunutin ang lahat ng bulaklak
na namimilipit sa sakít,
at huwag hayaang nakalaylay sa mga sanga.
Ang pag-aani ng mga pag-asa, kaibigan,
ay magwawakas sa ganap na pagkawasak.
Lahat ng pagsisikap ng umaga at ng gabi
ay mabubunyag na wala, wala ni isang silbi.

Anino ng mga Higante, ni Kostes Palamas

Salin ng tula ni Kostes Palamas ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Anino ng mga Higante

Narinig ko ang dagat na ano’t umuungol
na tila tinig na umaahon mula sa karimlan:
Anino ba ito ng mga higanteng gumagalaw?
“Anino! Sino ka? Magsalita ka!”
“Ako’y isang Telamonya!
Masdan, sa kalooban ko’y nilulukob
ang buong araw na hindi lumulubog,
bagaman hinihikaban iyon ni Hades;
Huwag nawang lumuha para sa akin!”
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .“At katabi mo siya?”
“Ang puso ng lupain ng Tewtones
ay binuhay muli ako. Ako ang manlilikha,
ang manlilikha ng mga dakilang mundo
ng Olimpus, ngunit naririto sa pusikit
na pusod ng Tartarus:
Uhaw ang puso ko’t sabik sa isang bagay:
Inaasam ko at hanap-hanap ang liwanag!”

Pagsuko, ni Yannis Ritsos

Salin ng tula ni Yannis Ritsos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagsuko

Binuksan niya ang bintana. Sumalpok nang pahugóng
ang hangin, at ang kaniyang buhok, gaya ng dalawang
ibon, ay umalon sa kaniyang balikat. Ipininid niya
ang bintana. Lumapag sa mesa ang dalawang ibon,
at tumitig sa kaniya. Sakâ tumungó siya sa pagitan
ng mga ito, at humikbî na waring pigíl na pigíl.

Taglay ng kaniyang mga mata, ni Adonis

Salin ng tula ni Adonis (Ali Ahmad Said Esber) ng Syria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Taglay ng kaniyang mga mata

Taglay ng kaniyang mga mata
ang perlas; mula sa wakas ng mga araw
at mula sa mga simoy ay nakapag-iiwi
siya ng siklab; at mula sa kaniyang
kamay, mula sa kapuluan ng ulan,
lumilitaw ang bundok at lumilikha
ng madaling-araw.
Kilala ko siya. Taglay ng kaniyang paningin
ang hula ng mga dagat.
Tinawag niya akong kasaysayan at ako
ang tulang dumadalisay sa pook.
Kilala ko siya: Tinagurian niya akong bahâ.

Sa Labas, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Labas

Roberto T. Añonuevo

Ang lumbay ay eskaparate ng mga segunda manong
Sapatos, na maaaring pagpapahalaga kay Imelda
Marcos o Yao Ming, ngunit hindi kailanman ruta
Ng Ang Tibay sa lumang museo ng mga sapatero.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . O iyon ang hinala mong tumatamà.

Bawat pares ay talaan ng mga pakikipagsapalaran;
At bawat destinasyon ay piling kúlay balát tahî taták
Sa alaala, na posibleng nagmula sa mga gasgas
na karanasang hango sa ibayong-dagat o pabrika,
ngunit hindi kailanman mahahalata ng pandama.

Kontaminado ng alikabok, ang salansan ng sapatos
Ay maaaring tumakbo palayo sa pananagutan o rali;
Tumadyak sa mga busabos o sumipa sa isang bola;
Umiwas sa di-mapigil na panlulumo o panlalamig;
Hinubad dahil sa tuwa at ipinamigay sa kaawa-awa;
Ipinukol sa kinamumuhiang politiko o bagamundo;
Itinapon ng mga baldado at pilay sa basurahan;
Sinagip bago lumutong mula sa resiklong regalo;
Nagbabalatkayo na orihinal at puslit sa adwana;
At ngayon ay naririto para gampanan ang kambal
na papel na uso-at-laos:
Ang replika ng prestihiyo at artefakto ng kalabisan.

. . . . . . . . . . . . . . .Sapagkat ukay-ukay din ang lungkot
Na naghuhunos na lugod kapag napasakamay
Ng sinumang lumaki nang nakayapak, o tumanda
Para sumaksi sa taas at lagitik ng mga takong;
O nakatagpo ng sinumang muling nakatindig
at nakalakad matapos maratay nang napakatagal.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Himala, hindi man himala?

Tatanawin ang eskaparate sa laki at lapad ng paa,
O sa kalidad ng goma o gaan o katad o disenyo,
alinsunod sa presyo na maididikta ng merkado.
Sakali’t isukat sa haraya ang pinili sa mga displey
ay asahan mong ipagpapalit ang ipon at ang hiya
ituring mang tulak ng dibdib dahil kabig ang bibig.

Ang eskaparate ay iba’t ibang panahon ng lakad
ngunit makakalap ang mga bakás sa mga ngalan
ng estetikong silbi at inaakalang pangangailangan:
Kumakaway ang lumbay nito sa likod ng salamin;
Kumakaway, at ang ganti mo ay pag-iling-iling.

Hindi ba ang salamin ay humihikab ding sapatos
Tuwing ihahakbang?

Marahil, o kung hindi’y ngumangangá sa pagod.

Ang lumbay ay eskaparate ng mga segunda manong
Sapatos sapagkat may katwiran ang isang kuripot
Ngunit malayaw,
Sapagkat may katwiran ang pagtitipid at basura
Sapagkat may bago na sasabihing pangmayamang

Kagila-gilalas ang landas na minsan pa’y pipiliin mong
Talikdan.

Wakas ng Tag-araw, ni Günter Eich

Salin ng “Ende eines Sommers,” ni Günter Eich ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Wakas ng Tag-araw

Walang ibig mamuhay nang malayo sa lilim ng mga puno!

Mapalad na tayo, at naging mortal silang nilalang!

Pinipitas ang mga peras, tumitingkad ang sirwelas
Habang dumadagit ang oras sa ilalim ng tulay.
Ibinahagi ko ang panlulumo sa kawan ng ibong patimog.

Panatag nilang sinukat ang kanilang bahagi sa eternidad.
Ang kanilang ruta
Ay lumitaw bilang madilim na pagpipilit sa kayabungan.
Ang pumapagaspas na mga pakpak ay kumulay sa bunga.

Kailangan nating magtiyaga.
Mauunawaan balang araw ang sulat-sa-langit ng mga ibon.
Hindi mo ba nalalasahan ang tansong kusing sa ilalim ng dila?

Prometheus, ni Johann Wolfgang von Goethe

Salin ng “Prometheus,” ni Johann Wolfgang von Goethe ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Prometheus

Takpan sa makakapal na dagim
Ang iyong langit, O Zeus!
At gaya ng paslit
Na pumipigtal ng mga dawag,
Magsanay sa mga roble at tuktok
Ng mga bundok
Kailangan mo pa ring lisanin
Ang aking mundo na buong-buo,
At ang aking munting kubol
Na hindi mo naman itinayo,
At ang aking dapugan
Na ang naglalagablab na init
Ay sadyang kinaiinggitan mo.

Wala na akong alam na hihigit pa
Na kasuklam-suklam sa balát ng lupa
Kundi kayong mga bathala!
Masinop mong pinakakain
Ang iyong dakilang kamahalan
Mula sa mga buwis ng sakripisyo
At hininga ng panalangin
At magdurusa sa kakulangan
Ngunit hindi sa mga bata at pulubi,
O sa mga kaawa-awang hangal!

Minsan, noong bata pa ako’y
Hindi ko alam kung saan susuling,
Tumingala ako sa araw, na tila ba
May taingang makikinig sa hinaing,
Na may pusong gaya sa akin
Na mahahabag sa mga inaapi.

Sino ang tumulong sa akin
Laban sa kahambugan ng mga Titan?
Sino ang sumaklolo sa akin
Mula sa kamatayan, sa kaalipnan?
Hindi ba ang banal at nagniningning
Kong puso ang gumanap ng lahat
Kahit ni walang isang tumulong?
At hindi ba ang musmos at mabuti
Na nandaya ang nagpasalamat
Dahil sa pagkupkop sa kaniya,
Dahil natutulog ang nasa kaitaasan?

Magpupugay ako sa iyo? Para ano pa?
Pinagaan mo ba kahit minsan
Ang pasaning hinagpis ng tao?
Pinahimasmasan mo ba kahit minsan
Ang sindak na taglay ng mga luha ng tao?
Hindi ba ang omnipotenteng Panahon
Ang pumanday sa aking pagkatao,
At ang walang hanggahang Kapalaran
Ang kapuwa natin mga panginoon?

O naiisip mo rin ba marahil
Na kailangan kong kapootan itong buhay,
Tumakas tungo sa mga disyerto
Dahil hindi lahat ng sumisibol
Na pangarap ay ganap na nahihinog?

Narito akong nakaupo, hinuhubog
Ang mga tao mula sa aking hulagway—
Isang lahing kahawig ko:
Ang magdusa, ang tumangis,
Ang magsaya, ang magdiwang
Dahil ni minsan ay hindi ka pinakinggan
Tulad ko!
(1773)

Pamagat: Prometheus Bound. Artist: Frans Snyders. 1618.  Oleo sa kambas.Taas: 242.6 cm (95.5 ″); Lapad: 209.5 cm (82.4 ″) Museo: Philadelphia Museum of Art

Arawang Pitak, ni João Cabral de Melo Neto

Salin ng “Espaço jornal,” ni João Cabral de Melo Neto ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Arawang Pitak

Sa arawang pitak,
nilulunok ng anino ang kahel at ang kahel ay lulundag sa ilog, na hindi talaga ilog,
bagkus dagat na umaapaw sa aking mga mata.

Sa arawang pitak
na bunga ng orasan, nakikita ko ang mga kamay
hindi mga salita; napanaginip kagabi ang babae, at napasaakin ang babae at isda.

Sa arawang pitak,
nalilimot ko ang bahay at dagat
nauupos ang gana ko’t gunita. Walang silbing nagpapatiwakal ako sa arawang pitak.