Salin ng “Les doigts de la main,” ni Aloysius Bertrand ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang Limang Daliri ng Kamay
Ang kagalang-galang na pamilya, na hindi nabangkarote ang ni isang kasapi, at ni isa’y hindi binitay.
—Ang Angkan ni Jean De Niville
Ang hinlalakí ay Flamenco na may-ari ng kabaret—mataba, malibog, at magaspang magbiro, naninigarilyo sa tabi ng kaniyang pintuan at sa ilalim ng paskil na naghahayag ng mga serbesa ng Marso na doble kung sumipà.
Ang hintuturò ay ang kaniyang asawang mukhang daga na sintigas ng lumang tuyô, na tuwing umaga’y sinasampal ang kaniyang katulong na pinagseselosan niya, at mahilig humimas sa bote ng alak.
Ang hinlalatò ay ang kanilang anak, ang mapusók na binatang naging sundalo sana kung hindi naging tagatimpla ng alak, at naging kabayo sana kung hindi naging tao.
Ang palasingsingan ay ang kanilang anak na babae, ang maanyubog ngunit tusong si Zerbina, na naglalakô ng kaniyang engkahe sa mga dalaga, ngunit umiiwas ngumiti sa mga kabalyero.
At ang hinliliít, at sakít ng kalingkingan, ang bunso sa pamilya at sutil bukod sa iyaking paslit, na palaging nakabuntot sa kaniyang ina, at waring sinagpang ng mga pangil ng manananggal.
Kapag pinagsama-sama, ang limang daliri at ang kamay ay makapagbibigay ng lumalagapak na sampal sa dangal doon sa mga hardin ng kagalang-galang na lungsod ng Haarlem.