Bob Blues

Bob Blues

Roberto T. Añonuevo

Kapag humahalik ang hangin sa iyong mukha,
naririnig ng mga bathala ang pinong saxófono
at kahit sila’y napapaindak sa elektromusika
ng basyo.
. . . . . . . . . . . . . Ang hangin ba ay isa ring musika
na ang ritmo ay nakapapawi ng libong buhawi
sa maghapong trabaho o paglubha ng trapik?

Sariwa man o marumi, ang hangin ay hangin
na iyong sisinghutin, at lalanghapin ng langit
ang saxófono na ano’t bumabangka sa hapag
na basyo.
. . . . . . . . . . . Humahalik ang hanging may mukha
sa iyo, at ang saxófono ay magiging bathalang
hubog sa Italya at maglalakad na elektromusika
ng basyo.

At ang hangin ay tatakas sa ibayo palapit dito
upang ibalita ang mukha mo sa pamamagitan
ng saxófono, na ang nilololoob ay bagyo sa loob
ng basyo.
. . . . . .      . . Sapagkat ang hangin ay ako rin  sa iyo
na tutugtugin sa saxofóno sa gabi ng kawalan:
Naririnig ng mga bathala ang mundo ng musika
sa basyo—tawagin man silang wala sa huwisyo.

Ang pinakamatinding sandali sa búhay, ni César Vallejo

Salin ng “El momento más grave de la vida,” ni César Vallejo ng Peru
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang pinakamatinding sandali sa búhay

Winika ng lalaki:
“Naganap ang pinakamatinding sandali sa aking búhay sa digmaan sa Marne, nang masugatan nila ako sa dibdib.”
Ani isa pang lalaki:
“Naganap naman ang pinakamatinding sandali sa aking búhay nang dumaluyong sa Yokohama sanhi ng lindol, at mahimalang nakaligtas ako, at sumukob pagkaraan sa tindahan ng barnis.”
Sabat ng isa pang lalaki:
“Tuwing naiidlip ako kapag maaliwalas ang araw ang pinakamatinding sandali sa aking búhay.”
At ani isa pang lalaki:
“Nangyari ang pinakamatinding sandali sa aking búhay nang madama noon ang labis na kalungkutan.”
At singit ng isa pang lalaki:
“Pinakamatinding sandali sa búhay ko ang pagkakabilanggo sa kulungan sa Peru!”
At sabi ng isa pang lalaki:
“Pinakamatinding sandali naman sa búhay ko nang gulatin ang aking ama sa pamamagitan ng retrato.”
At winika ng hulíng lalaki:
“Ang pinakamatinding sandali sa aking búhay ay paparating pa lámang.”