Katà
Roberto T. Añonuevo
Magaling, datapuwa hindi tula.
Mahabang pila ng mga bus at trak sa aming balikat,
at ngayon, litanya ng ngitngit ng mga pasahero
na pawang nagbabasá ng tone-toneladang basura:
Hahangaan ka sa isinusukang wika at salamangka,
parang nagmula sa malayong Amerika o Alemanya,
ngunit ang totoo’y sumasakit ang iyong ulo kalalakad.
Naglalakad kang malagihay, kung hindi man sa gutom
ay lungkot, at absurdo ang pumupuwing na kulisap
sa iyong salamin. Masasalubong mo ang iba mo pang
kamukha, na hindi malayo sa pumapakyung Tediboy,
may etiketa ang diplomasya gayong ang anyo’y libagin.
At minsan, may magtatanong kung ikaw ba ay Laláng.
Ang Laláng—sopistikadong Asiong Aksaya—kay pogi
sa antolohiya ng gas ngunit paurong ang ortograpiya
para sa gramatika ng mga turistang sabit sa dyip.
At ano ang ganting sagot mo? Ang kotse mo ba’y
nakukumpuni ng miron? Napagagaling ng pasyente
ang kaniyang sarili, at walang hiwaga sa sakit!
Bakit ka sisisihin, kung ang bathala mo’y pugad
ng mga gastado at gasgas, at ang iyong kasariwaan
ay halaw sa sinasambang bilis at posmoderno?
Gagayahin ka dahil suportado ng bakya o sapatos,
o sapagkat kumikitid ang kalye na bawat kanto
ay may ilaw-trapiko at pulis na iyong sinusunod.
Habang tumatagal, lumalaki ang mundo sa ilalim
ng iyong talampakan. Hahakbang ka nang maliksi
na pagsisinungaling sa harap ng libo-libong tsuper.
Walang lohika ang talinghaga, ang paniwala mo,
tulad ng mga bilbord sa batok ng populasyong
pinarurusahan mo. Itim na usok ang iyong realidad,
at igigiit na ito ang iyong mensaheng sobrenatural.